Friday, October 1, 2021

‘Barangay Sita Task Force’ kulang sa gawa!

KULANG UMANO ang kilos ng mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng health protocols sa kanilang mga nasasakupan dahil sa dami ng mga lumalabag sa alituntunin ng pamahalaang lokal sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa Zamboanga.

Tila walang takot sa Covid-19 ang mga pedicab drivers na ito sa Barangay Guiwan at sa kabila nito ay wala rin sumisita sa kanila. (Zamboanga Post)


Karamihan umano sa mga opisyales ng barangay at tanog ay nagroronda lamang sa tuwing linggo kung kailan ay nasa lockdown ang buong lungsod. Nais ng mga residente na paigtingin ng mga opisyal ng barangay ang kanilang pagpapatupad sa health protocols araw-araw.

Mistulang “ningas kogon” lamang diumano ang ginagawa ng maraming mga opisyales ng mga barangay. Matatandaang naglabas si Mayor Beng Climaco ng Executive Order BC 653-2021 at ipinag-utos nito ang pagbuo ng “Barangay Sita Task Force” sa lahat ng 98 barangays ng Zamboanga na siyang magpapatupad ng health protocols upang pigilan ang paglaganap ng Covid-19.

Ang barangay chairman at ang hepe naman ng pulisya at militar sa naturang lugar ang magsisilbing pinuno ng Barangay Sita Task Force na kabibilangan ng mga chairpersons ng Sanguniang Kabataan, Barangay Health and Sanitation, Peace and Order at Disaster Committees, gayun rin ng Barangay Information Officer, Tanods at mga miyembro ng Barangay Information Network, Purok leaders, Barangay Health Workers at mga Nutrition Scholars, at Social Worker. 

Binalaan rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga barangay chairmen na mabibigo sa pagpapatupad sa health protocols at sinabi nito na ang mga mayor ang may superbisyon sa mga barangay chairmen kung kaya’t dapat silang sumunod sa kautusan.

“Now, itong mga barangay captain ang problema kasi maliit ang barangay. Do not give me that shit about hindi mo alam. So the Local Government will go after you administratively and criminally,” ani Duterte.

Maging mga Netizens ay nagsusumbong sa Facebook page ni Climaco sa talamak na paglabag ng maraming tao sa health protocols sa ibat-ibang mga barangay. Likas umanong matigas ang ulo ng mga residente at ngayon tumataas ang Covid-19 cases ay isinisisi naman ito kay Climaco sa kabila ng paulit-ulit na paalala nito na sumunod sa health protocols.

Sa kanyang executive order, ipinag-utos ni Climaco sa lahat ng Barangay Sita Task Force na magsagawa ng random roving sa kanilang mga lugar upang masigurong nasusunod at napapatupad ang health protocols – paggamit ng face mask at face shield, at physical distancing at iba pang mga kautusan kaugnay sa Covid-19. May mga pena o multa ang mga lalabag sa minimum health protocols.

Dapat ay matagal na umano itong ipinatupad ng mga opisyales ng barangay kahit walang executive order mula kay Climaco. Motu proprio na ito sa mga opisyales ng mga barangay bilang bahagi ng kanilang tungkulin, subali’t hindi naman nila ginawa sa kabila ng pandemnya, bagama’t may mga ilang opisyales rin ang kusang nagpapatupad ng health protocols ngunit hindi naman ito regular.

Wala rin makitang mga opisyales ng barangay at mga tanod na regular na nagpa-patrulya sa kanilang lugar upang ipatupad ang health protocols at iba pang mga ordinansa o batas. At halos lahat ay iniaasa na lamang kay Climaco o sa lokal na pamahalaan, sa pulisya at militar, ang bawat problema at solusyon nito. 

Maging ang road clearing operations na ipinag-utos ni Duterte ay nag-mistulang ningas-kogon lamang sa ibat-ibang barangay dito. (Zamboanga Post)

No comments:

Post a Comment