Wednesday, July 12, 2023

BARMM govt. suportado ang PNP, AFP sa Sulu

COTABATO CITY - Nakahandang tumulong ang Bangsamoro Government sa Philippine National Police (PNP) para tugisin si Pando Mudjasan, ang dating vice mayor ng Maimbung sa lalawigan ng Sulu.

Ito ang inihayag ito ni Chief Minister Ahod Ebrahim sa kanyang courtesy visit kay PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr kamakailan lamang.

Si BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim at Chief PNP General Benjamin Acorda Jr. (Radio Pilipinas)

Ayon kay Ebrahim, mayroon silang mga mekanismo sa ilalim ng peace process para magkaroon ng konkretong tulungan sa pagitan ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines. Bagaman aminado si Ebrahim na nasa transition period pa ngayon ang Bangsamoro Government, tiniyak pa rin nito ang kanilang pakikiisa sa pagpapatupad ng peace and order sa rehiyon.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad si Mudjasan matapos ang engkwentro sa pagitan ng kanyang mga tauhan at tropa ng pamahalaan noong nakaraang buwan na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat din ng 14 na iba pa.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) para sa mabilis na pagtugis kay Mudjasan matapos nitong takasan ang arrest warrant dahil sa kasong pagpatay at iba pa.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ginawa nila ang pakikipag-usap sa MNLF dahil matapos na mabatid na miyembro ng MNLF si Mudjasan. Sa ngayon, aminado ang PNP na bahagyang nahihirapan ang mga awtoridad sa pag-aresto kay Mudjasan dahil sa posibleng koneksiyon ng suspek sa ilang residente at halos kabisado rin nito ang lalawigan kung kaya’t hindi ito basta-bastang nahuhuli.

Gayunpaman, tiniyak ng PNP na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakalalabas ng Sulu si Mudjasan kasabay ng paghihigpit ng PNP sa mga checkpoints at chokepoints sa lalawigan para matukoy ang grupo nito.

Batay sa tantiya ng PNP, nasa mahigit 30 katao, armado ng malalakas na armas, ang hinahabol ngayon ng mga awtoridad kung kayat nananawagan din ang kapulisan sa mga residente na makipagtulungan sa ikadarakip sa mga suspek.

Bukod sa PNP, nakaalerto rin ang tropa ng militar sa buong border ng Bangsamoro Autonomous Region habang maiging pinag-aaralan ang pagtugis kay Mudjasan sa lalong madaling panahon.  (Jaymark Dagala/Radyo Pilipinas at Pol Montibon / SMI News)

No comments:

Post a Comment