DAVAO CITY – Patuloy na sumasadad ang popularidad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at Bise Presidente Sara Duterte at ito ay base sa huling survey na inilabas kamakailan ng OCTA Research, isang non-profit and independent public opinion research organization.
Ayon sa OCTA, bumagsak ang suporta ng publiko kay Marcos ng halos 6% kung ihahambing sa 2nd quarter survey, subalit nasa 65% naman ang kuntento sa trabaho ng Pangulo. Nabatid na karamihan sa hindi sumangayon kay Marcos sa naturang survey ay pawang mga taga-Metro Manila.
Ipinakita rin sa survey na isinagawa sa 1,200 repondents na 12% naman ang hindi masaya kay Duterte, ngunit nasa 70% naman ang popularidad nito at mataas lamang sa Pangulo ng 5%.
Pawang taga Visayas at Luzon ang mga respondents na umayaw kay Duterte at karamihan sa mga ito ay mula sa Class E o sa mga mahihirap na pamilya, at sinundan ng Class A, B at C o halos sa lahat ng geographic regions.
Tumaas naman ang popularidad nina Senate President Juan Miguel Zubiri ng 1% (58%) at 6% naman kay House Speaker Martin Romualdez (61%).
Matatandaang sa nakaraang ulat ng Pulse Asia Survey ay parehong sumadsad rin ang popularidad nina Marcos at Duterte. Ayon sa naturang polling organization, ang pagbagsak ng popularidad ng dalawang lider ay kasabay ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular ang bigas, at iba pa pang kadahilanan.
Ayon sa Pulse Asia Survey, bumagsak ng 15% mula 80% ang popularidad ni Marcos. Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ang pangako ni Marcos na tutugunan nito ang nasabing problema ang pangunahing dahilan ng pagbagsak ng popularidad nito.
Ito rin ang unang pagkakataon mula ng mahalal si Marcos na sumadsad ang kanyang popularidad. Si Marcos rin ang tumatayong Agriculture secretary sa kasalukuyan.
Ang
pagsadsad naman ng popularidad ni Duterte ay natapat sa kontrobersyal na isyu
ng kanyang nakakalulang confidential at intelligence funds na binabatikos sa
Senado at Kongreso. Mula 84% noong Hunyo ay bumagsak ang popularidad ni Duterte
sa 73%. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment