FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Friday, February 26, 2016

Munisipyo sa Balabagan, Lanao Sur binarikadahan!

 Liberal Party re-electionist Balabagan Dr. Mayor Edna Ogka-Benito. (Mindanao Examiner Photo - Mark Navales) 











Ang mga dokumento mula s DILG-ARMM at TRO na inilabas ng 22nd Division ng Court of Appeals na pumabor kay Mayor Benito. (Mindanao Examienr Photo - Mark Navales)


Mga supporters diumano ni Vice Mayor Quirino Sampiano. (Contributed photos)

LANAO DEL SUR – Nanawagan si Liberal Party re-electionist Balabagan Dr. Mayor Edna Ogka-Benito sa publiko at sa mga tagasunod nito na maging mahinahon matapos na tumanggi ang kanyang vice mayor na si  Quirino Sampiano na nagsilbing acting mayor o officer-in-charge na bumaba sa puwesto sa kabila ng kautusan ng Department of the Interior and Local Government sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ito’y kasunod ng pagkakabawi ng DILG-ARMM Sec. Anwar Malang sa suspension order ng Ombudsman kay Benito matapos na maglabas ng temporary restraining order ang 22nd Division ng Court of Appeals nitong Pebrero 2 pa.
Sa unang kautusan ni DILG-ARMM na ipinadala kay DILG Maguindanao Provincial Director McMillan Lucman ay itinalaga si Sampiano bilang OIC noong Disyembre 28, 2015 habang inaapela ni Benito ang suspension order na may kinalaman sa isang reklamo laban sa kanya.
Tahimik naman nilisan ni Benito ang kanyang puwesto ng walang kaguluhan at siya pa mismo ang nag-welcome kay Sampiano bilang OIC.
Maging ang pulisya ay hindi rin naipatupad ang DILG order na ibalik si Benito sa puwesto dahil sa pagpigil ng mga supporters ni Sampiano na ilan sa mga ito ay may mga pamalong dos-por-dos at tubo. May nakita rin umanong mga armado sa lugar, subali’t hindi naman agad ito nakilala.
Sa kabila ng ng revocation order ng DILG-ARMM sa unang kautusan nito ay nagmamatigas pa rin umano si Sampiano. Nabatid na kumakandidato rin pala sa pagka-mayor sa Balabagan si Sampiano.
Umapela na rin si Benito sa mga awtoridad – sa pulisya at militar – na ipatupad ang DILG order ay paalisin ang mahigit sa 200 mga nagbabarikadang mga supporters ni Sampiano sa loob at labas ng munisipyo dahil sa matinding abala na idinudulot ng mga ito sa pagpapatupad ng tungkulin ng mga opisyal ng nasabing bayan.
“I have asked the police and military to drive out the armed men and supporters of the Vice Mayor within and outside the premises of the municipal government complex as they hinder the operation and function of the local government,” ani Benito sa pahayag nito sa Mindanao Examiner Regional Newspaper.
Maging ang parating na pagdiriwang ng 56th Araw ng Balabagan ay posibleng maapektuhan rin dahil sa pagmamatigas ni Sampiano at ng mga supporters nito. Ipinag-utos naman ni Benito sa kanyang mga tagasunod na ipatupad ang “maximum tolerance” upang maiwasan ang gulo at karahasan.
Kinumpirma rin ito sa Mindanao Examiner Regional Newspaper ni Dr. Billy Ogka, na isa sa mga nasa grupo ni Benito, at sinabing hindi matanggap ni Sampiano ang kautusan ng DILG-ARMM kung kaya’t ayaw lumisan sa munisipyo. “Hindi nila matanggap dahil hindi po nila nire-recognize yun order ni DILG-ARMM Anwar Malang,” sabi nito.
Hindi rin makapunta diumano si Lucman sa nasabing bayan upang ipatupad ang kautusan ng DILG-ARMM at ang TRO dahil sa matinding banta sa kanyang seguridad. Inutusan na lamang nito sa pulisya at militar na bigyan ng sapat na seguridad si Benito, ngunit hindi naman na-kontrol ng mga awtoridad yun grupo ni Sampiano dahil kakaunti lamang ang bilang ng mga parak.
Nabatid na sa bahay na lamang ginagampanan ni Benito ang kanyang tungkulin at doon na rin nagre-report ang mga municipal officials habang hinihintay ang aksyon ng mga awtoridad sa pagmamatigas ni Sampiano.
Suportado ng publiko si Benito at maging mga residente ay nag-boluntaryong bantayan ang kanyang seguridad. Hindi naman agad makunan ng pahayag si Sampiano ukol sa mga bintang laban sa kanya at grupo nito. (Mark Navales)



No comments:

Post a Comment