COTABATO CITY – Sabit ang dalawang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bentahan umano ng armas sa mga Indonesian jihadists matapos na masiwalat ang impormasyon sa kasong kinasasangkutan ng isang teroristang lumaban sa panig ng rebeldeng grupo sa Mindanao.
Ayon sa West Jakarta district court, binentahan ng mga armas ng dalawang rebeldeng MILF na nakilalang sina Marod at Dato ang teroristang si Suryadi Mas'ud noon 2015 upang gamitin sa terorismo sa Indonesia.
Nagtungo ang 45-anyos na si Suryadi sa General Santos City kasama ang asawang si Neneng Rita Anyar na nagsilbing “cover” upang hindi ito mapaghinalaan ng mga awtoridad. Sa bahay mismo ni Marod tumira si Suryadi habang hinihintay nito ang mga armas.
Lumaban si Suryadi sa militar kasama ang MILF mula 1996 hanggang 2000. Ito rin ang kasagsagan ng pagkupkop ng MILF sa mga dayuhang terorista na siyang nagsanay sa maraming mga rebelde sa Mindanao.
Nabatid na si Iwan Darmawan Muntho, alias Rois, na ngayon ay nasa death row sa Indonesia sa kasong terorismo, ang sinasabing nagpondo ng biyahe at pagbibili ng armas ni Suryadi sa mula MILF. Umabot sa $30,000 ang halaga ng mga armas – 17 automatic rifle at limang pistol - na nabili ni Suryadi mula sa mga rebelde.
Sabit rin si Suryadi sa pambobomba ng isang McDonald's outlet sa Makassar, south Sulawesi noon 2002 at pagsasanay sa mga jihadists sa Aceh ng 2010 matapos na madakip sa Indonesia. Nahatulan ng West Jakarta district court si Suryadi na 10 taon dahil sa pagpasok ng mga armas sa Indonesia at terorismo.
Hindi naman mabatid kung may basbas ng MILF ang pagbebenta ng armas kay Suryadi. Tikom naman ang bibig ng mga lider ng MILF sa pagkakasabit ng mga rebelde sa bentahan ng armas sa Indonesia at pagkupkop nito sa mga teroristang nasa Mindanao. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com /http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
No comments:
Post a Comment