TINAWAG na sinungaling ng grupong Salinlahi Alliance for Children’s Concerns ang National Economic and Development Authority (NEDA) dahil sa pagsasabing sapat na sa isang pamilyang may limang miyembro ang minimum na sahod na P10,000 kada buwan.
“Napakadaling sabihin para mga opisyal ng pamahalaan na sapat na ang P10,000 kada buwan dahil lagpas lagpas sa minimum wage ang kanilang buwanang sahod,” ito ang tugon ni Eule Rico Bonganay, pangkalahatang kalihim ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns kaugnay sa inilabas na computation ng NEDA kamakailan.
Aniya, kasinungalingan ang sinasabi ng NEDA na sa halagang P3,834 ay makakain at mabubuhay ng disente ang isang pamilya. “Binibigyang katwiran lamang ng NEDA ang kahirapan at kagutuman na nararanasan ng mayorya ng mamamayang Pilipino imbes na tugunan ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod,” sabi ni Bonganay.
“Paano mapagkakasya ang halagang P127 kada araw para magkaroon ng sapat at masustansyang pagkain ang isang pamilya na may limang miyembro? Paano nito mapupunan ang gutom na matagal nang nararanasan ng mahihirap na pamilya lalo na’t walang tigil ang pagsirit ng presyo ng mga pangunahin bilihin dahil sa TRAIN Law?” tanong ni Bonganay.
Ayon sa Salinlahi, ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin ay bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ng administrasyong Duterte. “Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng TRAIN Law ni Duterte, lalong lumiit ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa.
Ang TRAIN Law ang higit na magsasadlak sa mga manggagawa at kanilang mga anak sa higit na kagutuman,” giit ni Bonganay. Sa pagtatala ng Save the Children, halos 85 na bata ang namamatay araw-araw dahil sa malunutrisyon at kagutuman.
“Ang TRAIN Law ay pahirap sa mga bata at kanilang pamilya. Maliban sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain, nagmahal din ang presyo ng mga gamit sa eskwela. Nakaamba rin ang dagdag pasahe sa mga pampublikong sasakyan. Paano natin maitatawid ang ating mga anak sa pag-aaral kung hindi sapat ang ating sahod?” ani Bonganay.
Ayon kay Bonganay, naglulunsad ang Salinlahi sa pangunguna ng STOP Train Network ng Black Friday Protest upang mangalap ng pirma para sa petisyon laban sa TRAIN Law ni Duterte. “Dapat tayong magkaisa upang ibasura ang anti-mahirap na TRAIN Law at iba pang mga patakarang nagpapahirap sa mamamayan. Kailangan nating igiit ang panawagan na itaas sa P750 ang minimum na sahod sa buong bansa at wakasan ang kontraktwalisasyon,” ani Bonganay. (Mindanao Examiner)
See media rates: http://mindanaoexaminer.com/ad-rates/
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/
http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: http://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
No comments:
Post a Comment