FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Sunday, August 19, 2018

Duterte suko na, nais magretiro lang!


NAIS NA ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw sa puwesto at tuluyan nang mag-retiro dahil sa umano’y kabiguan nitong putulin ang patuloy na korapsyon sa pamahalaan at ang walang katapusang problemang dulot ng ilegal na droga.

Ito ang sinabi ni Duterte sa paglulunsad ng programang “Pilipinas Angat sa Lahat” kamakailan sa Malacañang at dito isiniwalat ng Pangulo ang kanyang matinding pagka-dismaya at sa harapan ng maraming opisyal ay inamin nitong pagod na pagod na siya.

Hindi rin umano nitong pedeng ipapatay lahat ng mga sangkot sa droga dahil sa nakabantay na human rights groups. Nadagdagan pa ang pagka-aburido ni Duterte matapos nitong ihayag ang pagkakasibak sa 20 mga opisyal ng V. Luna Medical Center ng Armed Forces of the Philippines dahil sa akusasyong sabit ang mga ito sa korapsyon. Isang whistle-blower umano ang nagsumbong sa Malacañang na may mga anomalya sa pagbili ng mga kagamitan ng naturang ospital.

Agad naman sinibak ng Pangulo sina Brig. Gen. Edwin Leo Torrelavega, ang hepe ng V. Luna Medical Center; at si Col. Antonio Punzalan, na siyang pinuno ng logistics office nito. Minura pa ni Duterte si Torrelavega habang isinasalaysay ang korapsyon sa pagamutan sa mga kaharap sa Malacañang.

Ipinag-utos rin ng Pangulo na ilagay sa court martial proceedings ang lahat ng mga sangkot sa anomalya sa V. Luna Medical Center. Hindi naman mabatid kung bakit hindi agad natunugan ng Armed Forces of the Philippines ang nagaganap sa V. Luna Medical Center at isang whistle-blower pa ang nagsumbong sa Malacañang.

Ngunit sinabi ni Gen. Carlito Galvez, ang hepe ng Armed Forces of the Philippines, na nagiimbestiga na sila sa naganap at kung may iba pang anomalya at mga nasa likod nito.

Maraming beses ng sinabi ni Duterte na pagod na ito at nais na lamang mamahinga, ngunit inaalala rin nito kung sino ang papalit sa kanya na siyang magpapatakbo ng pamahalaan sa matinong paraan.

Ayaw rin ni Duterte na si Bise President Leni Robredo ang pumalit sa kanya dahil wala umano itong kakayahang mamuno bilang Pangulo. Ngunit gusto naman ni Duterte na pumalit sa kanya si Bong Bong Marcos, na anak ng dating diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos. (Mindanao Examiner)


Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read And Share Our News: https://www.mindanaoexaminer.com/
http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
See Media Rates: https://mindanaoexaminer.com/ad-rates/


No comments:

Post a Comment