FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Sunday, September 9, 2018

Publiko, hirap na hirap na dahil sa TRAIN Law


RANDAM NA RAMDAM na umano ng publiko ang 6.4% na inflation rate ngayong Agosto at ayon sa grupong Gabriela, ang P100 budget sa pamimili sa palengke ay hindi na aabot sa isang araw na pagkain.

Sa bigas pa lamang, higit P3.00 na ang itinaas ng presyo at patuloy pang tumataas. Sa Zamboanga, umaabot pa ng P70-80 ang kada kilo ng bigas noong mga nakaraang linggo. Wala ring katulad ang pagtaas ng presyo ng mga gulay at iba pang produktong agricultural, dagdag pa ng grupo.

“Walang duda na ang mga mahihirap ang pinakamasahol na tinatamaan ng pagsirit ng inflation rate lalo na sa batayang bilihin, lalo’t wala namang pagtaas sa sahod at makabuluhang ayuda mula sa gobyerno. Bagaman pilit pa ring minamaliit ng gobyerno ang epekto ng TRAIN Law, hinding-hindi na ngayon maitatanggi ang tunay na epekto nito sa pagtaas ng presyo,” giit pa ng Gabriela.

Idinagdag pa nito na lalong kailangan ang kagyat na pagbabasura ng TRAIN Law para maihinto ang di-maampat na pagtaas ng inflation rate at labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Lalo ring napapanahon ang pagpapatupad ng dagdag sahod sa pambansang saklaw alinsunod sa panukalang magpatupad ng national minimum wage dahil buong bansa ang nakakaranas ng epekto ng mataas na inflation, na mas mataas pa nga sa mga rehiyon kagaya ng Bicol at sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ayon sa GABRIELA, hungkag ang hinahapag na solusyon ng gobyerno na importasyon ng bigas at iba pang mga produktong agrikultural dahil sa katunayan ay pinasasahol pa nga ang sitwasyon ng patuloy na pagsunod ng gobyernong Duterte sa patakaran ng liberalisasyon sa agrikultura na nagtutulak sa importasyon alinaunod sa kasunduan sa World Trade Organization.

Bahagi din dito ang patuloy na pagpapabaya sa kapakanan ng mga magsasaka upang mabigyang-katwiran ang importasyon. Sa halip, ayon sa grupo, dapat ilaan ang pondo sa dagdag na subsidyo para sa industriya ng agrikultura, pangingisda at manupaktura para mapalaki ang produksyon at mapababa ang presyo ng mga produktong agrikultural.

Hinamon din ng Gabriela si Pangulong Rodrigo Duterte na kagyat na magpataw ng price control sa mga batayang bilihin at sa presyo ng langis, lalo sa kalagayang may price manipulation na mismong ang pangulo ang nagsasabi. “Dapat panagutin ang gobyernong Duterte, lalong-lalo na ang mga economic managers nito, sa patuloy na pagtaas ng inflation rate na siyang nagtutulak ng malawakang gutom at kahirapan ng mga Pilipino.”

“Kung patuloy lang nilang ipagkikibit-balikat ang matalim na epekto ng krisis sa presyo ng pagkain at mga batayang bilihin, dapat na silang umalis sa puwesto dahil malinaw na interes ng mga dayuhan at malaking negosyo ang kanilang inaalala sa halip na ang kapakanan ng mamamayan,” ani Gabriela sa ipinadalang pahayag sa Mindanao Examiner Regional Newspaper.


Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read And Share Our News: https://www.mindanaoexaminer.com/
http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
See Media Rates: https://mindanaoexaminer.com/ad-rates/


No comments:

Post a Comment