TILA ANG MGA tinatawag na COALITION AGAINST CORRUPTION ay tig-diyes sentimos na lamang isang dosena sa panahong ito. May isinulat akong artikulo nitong nakaraang ilang araw matapos ma-headline sa isang pahayagan na ang CAC ay nananawagan sa pagbibitiw ni finance secretary Sonny Dominguez dahil umano sa pagsasawalang-kibo nito sa kabila ng napakalaking volume ng shabu na ipinuslit sa pamamagitan ng Cavite Port na nauwi sa nakayayanig na balasahan sa Bureau of Customs.
Bagamat wala namang binabanggit na mga pangalan sa likod ng panawagang ito ng CAC, sinikap kong hanapin ang grupong ito sa pamamagitan ng Google. Napakaraming mga pangalan ng institusyong ito na nakalista subalit hindi masasabing kapanipaniwalang pinagmulan ng balita maliban sa isang nakatala sa information box na nagsasaad na ang Makati Business Club ang CONVENOR nito. Para sa isang kagulat-gulat na balitang nananawagan sa pagbibitiw ng Kalihim ng Pananalapi, ang sumulat nito, kung sino man siya, ay tiyak na may pinanghahawakang source.
Ginamitan ko ito ng taktika upang malaman ang mga detalye at ang katotohanan sa likod ng balitang yumanig sa bayan. At … walang kaginsa-ginsa, si Coco Alcuaz na Executive Director ng Makati Business Club ay nagparating sa akin ng isang e-mail na ITINATANGGI na hindi ang COALITION AGAINST CORRUPTION na kung saan kasapi ang MBC ang nagpakalat ng balitang ito.
Ipinagbigay alam din ni Director Alcuaz sa Department of Finance na ang umaatungal na panawagan sa pagbibitiw ni Dominguez ay hindi galing sa MBC o sa kanilang CAC at niliwanag na hindi nila kilala ang “isa pang COALITION AGAINST CORRUPTION” liban sa kanila.
Naalala ko tuloy ang kahalintulad na panloloko ng mga intrigista sa Lungsod ng Davao. Isang tinatawag na Coalition Against Graft ang umimbento ng kwento upang patalsikin sa pwesto ang kolektor ng Bureau of Customs sa Port of Davao. Ang nasabing Collector ay si Anju Castigador. Siya ang may pinakamagandang rekord na ginawa sa Adwana ng Davao na nakapagtala ng mahigit 100% ng pangungulekta ng buwis sa loob ng kanyang panahon.
Ang kawawang kolektor, nakasagasa ng problema dahil sa kanyang pagpigil sa pagpupuslit ng ilang kargamento sa loob ng 40-footer vans na ang laman ay bigas subalit iba ang nakasaad sa mga papeles. Dahil dito, ipinasara niya ang pansamantalang DIA o designated inspection area kung saan dumadaan ang kontrabando kahit pa man ito ay ginagamitan ng X RAY. Ang ULO ng ANTI CORRUPTION COALITION ay isang paring Hesuwita. Ito rin ang pareng na-videohan na nagtatampisaw sa niyebe sa Oslo matapos na sibakin sa pwesto ang Kolektor ng Davao Port. Sa mga larawan ay makikita ang isa pang katuwang sa pagpapatalsik sa nasabing Kolektor.
Ang akala ko, ang mga ganitong organisasyon ng mga intrigador at mga nananaksak sa likod ay tinatablan ng mga matatalim na salita ng pangulo subalit, hanggang sa ngayon, nagpapatuloy pa rin sa kanilang mapanlinlang na maskara bilang COALITION AGAINST CORRUPTION. Ang kaibahan nga lamang, sa kasong ito, nagkamali sila ng babanggain. Ang Makati Business Club mismo na may sariling CAC ang nagsasabing wala silang kinalaman sa iba pang CAC. Ang tunay na MBC ay walang anumang reklamo laban kay Secretary Dominguez kaya naman, ako ay personal na nagpapasalamat kay Director Alcuaz sa paglilinaw sa balitang ito. Ipagpaumanhin din ang mali kong akala na ang inyong CAC ang gumawa nito. Mayroon palang iba pang sekretong kalipunan ng mga intrigador na ang layunin ay pasamain at panghinain ang administrasyong Duterte.
Ito ay isa na namang kaso ng FAKE CAC. Isang grupo na naglulubid ng pekeng mga isyu laban sa Finance Secretary Dominguez. Kahit pa anong PATAKSIL at MAPANLINLANG na hakbang ng mga kalaban ang gamitin ay hindi tatalab sa isang SENIOR CABINET MEMBER. Hindi na nito kailangang ipagtanggol pa siya ni Presidente Duterte sapagkat maliwanag na ang kanyang PERFORMANCE ang siyang nagpapawalang saysay sa mga issues na ibinabato laban sa kanya. (Jun Ledesma)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read And Share Our News: https://www.mindanaoexaminer.com
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
See Media Rates: https://mindanaoexaminer.com/ad-rates
No comments:
Post a Comment