FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Saturday, June 13, 2020

Tricycles, pedicabs bawal pa rin sa highway

MAHIGPIT PA rin ipinagbabawal ang mga tricycles at pedicabs sa lahat ng national highways kahit pa nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ) ang bansa.


Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ang mga local government units (LGUs) ang nangangasiwa sa operasyon ng mga tricycles at pedicabs na bumibiyahe sa mga secondary roads. “Pinapayagan lamang po ang operasyon ng tricycles sa secondary roads at ipinag-uutos na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang one-passenger, no-back ride policies sa lahat ng GCQ at MGCQ areas,” ani Año.

Sumang-ayon at ipinapaalala ni Año ang sinabi ni Presidential Spokesperson Roque na hindi maaaring magbigay ng authorization ang mga alkalde na payagan ang pagba-backride sa mga GCQ at MGCQ na lugar alinsunod sa direktiba ng IATF.

“Ibayong pag-iingat pa rin po ang ipinapatupad kahit pa GCQ o MGCQ na. Batid naman ng gobyerno ang daing sa transportasyon ay kailangang manguna pa rin ang pagsunod sa physical distancing at iba pang health safety protocol dahil hindi pa naman po nawawala ang banta ng Covid-19. Hindi pa tayo puwedeng maging kampante,” dagdag ni Año.

“Ang pamamasada ng tricycles sa secondary roads ay konsiderasyon sa mga tricycle drivers na nakasalalay ang kabuhayan dito subalit kailangang sundin ang mga pag-iingat na bahagi na ng ating new normal.”

Sinabi rin ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na bago pa man magsimula ang pandemya ng coronavirus ay ipinagbabawal na ang mga tricycles at pedicabs sa highway.

Ipinaliwanang ni Malaya na bukod pa sa Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, naglabas rin ang DILG ng mga direktiba na nagbabawal sa operasyon ng mga tricycles at pedicabs sa mga national roads at nagbibigay rin ng panuntunan sa kondisyong dapat sundin para sa operasyon at pagbigay prangkisa sa mga tricycles.

Sinabi ni Malaya na dapat naka-suot palagi ng face mask o di kaya ay face shield at gloves ang mga tricycle driver at isang pasahero lang kada pasada alinsunod sa pagpapatupad ng physical distancing, maliban na lamang kung ang pasahero ay may medical emergency at kailangang may kasama.

Pinaalala rin ni Malaya sa mga LGUs na lahat ng uri ng pampublikong sasakyan, mga terminal at pasilidad ay dapat regular na i-disinfect at magpatupad ng social distancing ayon sa payo ng Department of Health.

Upang mapatupad ang physical distancing, lahat ng public utility vehicles (PUVs) at mga pribadong sasakyan ay maaari lamang magsakay ng 50% o kalahati ng normal nitong seating capacity at gawin pa rin ang physical distancing sa loob ng mga PUV at sa terminal, pati na rin sa pagpila sa pagpasok mismo sa sasakyan at sa pagpasok sa terminal.

Binigyang diin ni Malaya na ang paghahatid o pagbibigay ng masasakyan sa medical frontliners ay dapat pa rin ipagpatuloy. “Bigyan prayoridad pa rin natin ang pagkakaroon ng masasakyan ng ating medical frontliners. Kasama dito ang mga free transport services, libreng sakay galing sa gobyerno, at ang prayoridad sa mga terminals sa pagsakay ng mga PUV,” dagdag ni Malaya. (Zamboanga Post)


Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates


No comments:

Post a Comment