FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Thursday, July 23, 2020

DILG inatasan ang mga barangay na bumuo ng contact tracing teams

INATASAN NGAYON ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng barangay sa buong bansa na magtatag ng kanilang mga contact tracing team (CTT) upang mapalawak ang kakayahan sa pagpigil sa pagkalat ng Covid-19 sa bansa.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, habang marami pang pamayanan ang nalalantad sa pagkahawa ng coronavirus, mahalaga na may contact tracers mula sa bawa’t barangay na nakakaalam at nakakakilala sa mga nakatira sa kanilang lugar.

“Matagal pa ang ating bubunuin bago makatuklas ng bakuna at kailangan nating labanan ang virus na ito mula sa mga pamayanan. Ang mga CCT ng bawa’t barangay ang magiging mga first responders upang matiyak na ang mga residente, lalo na ang mga tinamaan ng sakit pati na ang kanilang mga pamilya, ay mababantayan at maitatala,” ani Año.

Sinabi pa ni Año na ang mga CTT sa mga barangay ay maitutulad sa mga kawal na kabisado ang lugar ng digmaan at ang pagkakaroon ng mga contact tracers ay malaking tulong sa kampanya laban sa pandemic.

“Itong mga CTTs na ito ay mula din naman sa kani-kanilang mga barangay kaya mas kilala nila ang mga tao sa pamayanan at magkakaroon sila ng mas magandang pagkakataon na matutukan at mabantayan ang mga kaso sa kanilang komunidad. Siyempre, kilala nila ang mga tao, kabisado nila ang lugar kaya mas magiging madali para sa kanila,” ani Año.

Inatasan din nito ang Local Government Academy at ang Philippine Public Safety College na magsanay ng mga contact tracers na bubuuin ng mga barangay.

Ayon pa kay Año, ang pagkakaroon ng mga CTT sa mahigit na 42,000 mga barangay ay magsisiguro na ang mga nakahalubilo ng mga pasyenteng may COVID-19 ay matutukoy, upang mapigil ang lalo pang pagkalat ng sakit.

Sa pamamagitan ng isang advisory noong Hulyo 21, inutusan ni Año ang mga barangay na bumuo ng kanilang mga CTT “upang mahanap lahat ng mga nakahalubilo ng isang pasyenteng may COVID-19.”

Inaasahan din na titiyakin ng mga CTT na ang mga may COVID-19 ay sumusunod sa mga quarantine protocol o madadala sa mga isolation facility ng pamahalaan, kung kinakailangan.

Pinababantayan din sa mga CTT ang kalagayan ng mga probable, suspected at confirmed na kaso kabilang ang kanilang pamilya na lumapit sa isang kumpimadong kaso upang mabawasan ang pagkalat ng virus at i-report ang mga ito sa municipal o city health office.

Iniulat ni Año na mahigit sa 69,000 na mga contact tracers sa buong bansa ay ipinadala at aktibong tumutulong sa paghahanap at pagtulong sa mga close contacts. Dahil dito, nabawasan ang pagkalat ng impeksiyon, at nakapagbigay ng diagnostic, counselling at treatment ng mga kumpirmadong kaso ng Covid-19.

And mga local governments (LGUs) sa pamamagitan ng kanilang mga barangay health workers ay inatasang magbahay-bahay at sunduin ang mga pasyenteng may Covid-19 na hindi kuwalipikado sa home quarantine at dalhin sa tamang health facility.

“Mahigpit po ang ating paalala na hindi na po hinihikayat ang pagsasagawa ng home quarantine kaya po inatasan namin ang ating mga barangay health workers na tiyaking ang mga kabahayang hindi kayang magsagawa ng home quarantine ay madala sa mga Ligtas Center,”paliwanag ni Año.

Pinapayagan lamang ang home quarantine kung ang pasyente ay may sariling silid at palikuran upang hindi makahawa ng iba, at wala siyang kasamang mga matatanda o pasyenteng may ibang sakit.



Ang mga LGUs ay dapat makipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang kooperasyon ng lahat ng mga maysakit. “Ang PNP ay nandiyan lamang bilang suporta sa paglilipat ng mga pasyente sa mga Ligtas Center,” sabi pa ni Año. (Mindanao Examiner. May ulat mula kay Rhoderick Beñez.)


Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates


No comments:

Post a Comment