Saturday, October 24, 2020

Covid-19 contact tracing, digital na rin

HINIHIKAYAT NG Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga local governments (LGUs), mga establisimyento, at ang publiko na gamitin ang pinabuting Staysafe.Ph digital contract tracing system upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19.

Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na ang Stay Safe.ph system na pinangungunahan ng pamayanan, pinagrereportan ng kalagayang pangakalusugan at nagsusulong ng social diatancing ay lalong pinagbuti ng National Task Force Covid-19 at nananatiling nag-iisang aprubadong national digital contract tracing system ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Binuo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Inter-Agency Task Force at MultiSys Technology Corporation (MultiSys), ang StaySafe app ay nagsisilbing multi-purpose tool na tumutulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng Covid sa bansa.

“Ang bago at pinagandang StaySafe app ay maaaring gamitin ng mga LGUs sa pag-access sa heat map, contact tracer enrollment at deputization, at cognitive contact tracing. Puwede din itong magamit sa mga QR Code na sinasagutan bago makapasok sa building o establisimyento,” ani Malaya.

Ang naturang app ay puwedeng magamit ng mga business establishments o offices para makagawa ng kakaibang QR code at gamitin ang digital logbook system para maka-iwas sa mga maraming contract tracing forms at dokumento.

“Ang paggamit ng app na ito katulad ng sistema sa ibang bansa kagaya ng Singapore, South Korea, at China na naging positibo ang contract tracing efforts sa kanilang bansa,” dagdag ng opisyal.

Sa Memorandum Circular 2020-129 ni Secretary Eduardo M. Año, hinihikayat ng DILG ang lahat ng mga LGUs, business establishments, at general public na gamitin ang sistema sa pamamagitan ng website www.staysafe.ph o pag-download ng application sa Google Play.

“Habang ang ibang LGUs ay nakagawa na ng kanilang digital contact tracing system, ito ay magagamit lamang sa kanilang territorial boundaries habang ang Stay Safe ay maaaring gamitin sa buong bansa,” ayon kay Malaya.

Ang pinagbuting StaySafe app ay may built-in Bluetooth signal na mayroong contact features sa ibang app users at merong area scanning feature na maging alerto sa mga katabing users na may Covid- symptons.

Meron din itong QR codes na pwedeng magamit ng mga LGUs upang makapag-palabas ng public advisories at announcements. Ang GPS function ay pwede ding gamitin ng mga contact tracers.

Ilan sa mga malalaking kompanya sa bansa ang gumagamit na nitong app tulad ng SM Supermalls, Jollibee Foods Corp., Robinsons Malls, at Angkas.

Siniguro din ni Malaya sa publiko na walang surveillance sa lahat ng app downloads at ito ay ginagamit lang sa monitoring ng suspected o confirmed Covid-19 patients at ang National Privacy Commission ay nasuri na ang safety features nito upang maprotektahan ang privacy ng mga tao.

"Ang tanging gamit lamang ng StaySafe app ay para mapabilis at maging mas epektibo ang contract tracing efforts ng ating bansa. Kailanman ay wala pong surveillance at malayang makakagalaw ang sinumang magdownload ng app na ito maliban na lamang kung sila ay nagpositibo sa Covid-19 kung saan sila ay ilalagay sa mga isolation o health facilities para mabigyan ng karampatang atensiyong medikal," wika ni Malaya.

Sinabi nito na ang lahat ng data ay nasa kontrol ng Department of Health bilang designated personal information controller at maaaring ma-access lamang ng contact tracers. (Zamboanga Post)


Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates