Saturday, November 7, 2020

Mayors, pinagiingat sa scam!

KIDAPAWAN CITY - Pinagiingat nagyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga mayors laban sa mga extortionist at con-men na nagpapakilalang matataas na opisyal ng ahensya na nagaalok ng ayuda para sa releasing ng Covid-19 emergency relief aid kapalit ng lagay o salapi.

Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na marami silang natatanggap na mga report mula sa DILG regional at field offices at mga local governments na nakatanggap sila ng texts at tawag mula sa mga impostor na nagpapanggap na opisyal ng DILG at mag-aalok ng Covid-19 assistance at saka manghihingi ng salapi.

“Pinapayuhan po natin ang ating mga LGUs at ang publiko na mag-ingat sa mga walanghiyang mandurugas na sindikato na nagpapakilalang DILG at nangingikil ng pera kapalit ng umano'y ayuda,” ani Malaya.

"Kahit po ang inyong lingkod ay ilang beses ng ginamit ang pangalan para makapanloko. Kailanman ay hindi tayo nanghihingi ng pera sa kahit sinong Mayor, Vice-Mayor, o kapitan kapalit ng serbisyo publiko na binibigay ng DILG," dagdag pa nito.

Sa isang report sa DILG ni Mayor Danilo Diamante ng bayan ng Tuburan sa Cebu, sinabi nito na siya ay nakatanggap ng tawag mula sa isang nagpakilalalang DILG Undersecretary at humihingi ng pera para diumano sa shipping ng 1,500 kaban ng bigas na ibibigay bilang assistance sa kanyang bayan.

Nakatanggap din si Malaya ng mga report ukol dito mula kay DILG CALABARZON Regional Director Ariel Iglesia, Mayor Rachel Ubana ng bayan ng Lopez sa Quezon province at Mayor Nacional Mercado ng Maasin City sa Southern Leyte, gayun rin mula kay Mayor Melina Requinto ng bayan ng Estancia sa Iloilo.

“Halos pare-pareho ang istilo ng sindikatong ito. Tatawag at magpakilalang DILG, magbibigay kunwari ng tulong na bigas o iba pang supporta ngayong COVID-19 at sa huli ay manghihingi ng pera para sa transportasyon at iba pang gastusin,” paliwanag pa ni Malaya.

Sinabi nito na inalerto na ng DILG ang Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa modus operandi at iniimbestigahan na umano ito.

“Kung sinuman sa inyo ang makatanggap ng tawag o texts sa mga taong nagpakilalang ako o sinuman sa DILG top officials, magsumbong at makipag-ugnayan po kayo agad sa pinakamalapit na police station para mahuli at maparusahan ang mga impostor na ito,” wika ni Malaya.

Ipinaliwanag rin ni Malaya na niruruta ng DILG ang mga official communication sa mga DILG regional at field offices, at sa mga LGUs sa pamamagitan ng official channels at hindi sa texts o Tawag sa cell phone o telepono. Pinayuhan nito ang mga LGUs na maging maingat at i-verify muna kapag makikipag-usap sa mga taong nagsasabing konektado sa DILG.

“Sa mga nasa malalayong munisipyo at kabarangayan, magtungo po kayo kaagad sa pinakamalapit na police station o DILG field office para makasiguro at hindi kayo malinlang ng mga scammer na ito,” wika nito. (Zamboanga Post. With a report from Rhoderick BeƱez)


Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates