FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Sunday, July 4, 2021

NGCP pinaiimbestigahan sa ERC

PAGADIAN CITY - Hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang Energy Regulatory Commission (ERC) na suriin ang di-umano’y paggasta ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at siguraduhing hindi ito sinisingil o ipinpasa sa mga konsyumer.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado tungkol sa rotational blackout, pinuna ni Hontiveros ang biglaang pagtaas ng gastos ng NGCP sa representation at entertainment kada o pagkatapos ng halalan noong 2013, 2016 at 2019.

Binanggit din ni Hontiveros ang biglaang paggastos ng NGCP sa public relations mula 2017, taon kung kailan lumabas sa Kongreso ang iba't ibang mga isyu laban dito.

“Hindi ba't kaduda-duda na kada o pagkatapos ng eleksyon ay tumataas ang gastos nila sa representation at entertainment? Coincidence lang ba? At simula 2017, nang mabuksan ang imbestigasyon sa NGCP sa Kongreso, NGCP was spending P300 million per year sa public relations. It seems too much of a coincidence,” ani Hontiveros.

Ibinunyag ni Hontiveros na mula 2009 hanggang 2020, ang NGCP ay gumastos ng P1.454 bilyon sa Representation at Entertainment; P1.032 bilyon sa advertising; P1.268 bilyon sa Public Relations, at P646 milyon sa mga professional fees batay sa inihaing Annual Audited Financial Statements ng NGCP sa Securities and Exchange Commission.

Sinabi pa ng Senador na dapat ipaliwanag ng ERC kung saan sa kasalukuyang cost structure para sa transmission charges ito sinisingil sa mga konsyumer.

“One of the primary mandates of the ERC is to regulate the NGCP. Isa sa dapat tinitingnan ng ERC ay kung ang bilyun-bilyong gastos sa mga bagay na walang kinalaman sa transmission ay ipinapasa sa konsyumer through the transmission charge sa ating monthly bills,” wika pa ni Hontiveros.

“Ang legit transmission charges ay power delivery service, metering and common charge, charges on connection and residual sub-transmission, FME Pass through, PFA and interruption billing adjustment, ancillary services, as well as NGCP regulated and excluded services. Saan kaya dito kinukuha ang anomalous expenditures na ito?" dagdag pa nito.

Ayon kay Hontiveros, kung kukwentahin sa piso bawat kilowatt hour (kWh), ang P4.4 bilyong expenses ng NGCP ay katumbas ng 441.77 milyon kWh base sa rate ng system ng Meralco na P9.96/kWh. “Ganito kalaki ito kung naging kuryente. Imagine na lang natin kung hahatiin ang kabuuang ito sa mga komukonsumo ng 200kWh per month pababa, ito ay isang buwang kuryente sa mahigit 2.2 milyong households,” wika ni Hontiveros.

Binigyang diin ni Hontiveros na ang NGCP ay gumastos ng higit sa P1 bilyon sa advertising, sa kabila ng pagiging natural monopoly nito.

“Ipinasa ba ang mga gastos na ito sa mga konsyumer? Ito rin ba ang dahilan kung bakit naantala ang pag-upgrade ng grid at maintenance projects? May mga ganito rin bang gastos sa ibang mga utilities na pinapayagan ng ERC na ma-recover through rates? We cannot allow corporate greed to thrive and further burden our consumers. Hindi ngayon, lalong hindi sa mga susunod na panahon,” ani ng Senadora.

Walang pahayag ang NGCP sa mga alegasyon o bintang ni Hontiveros.

Ang NGCP consortium na may 25-year concession contract at 50-year franchise to operate sa power transmission network, ay kinabibilangan ng Monte Oro Grid Resources Corp. sa pangunguna ni Henry Sy, Jr., Calaca High Power Corporation ni Robert Coyiuto, Jr., at ang State Grid Corporation of China (SGCC) bilang technical partner.

Kontrolado rin ng China ang apat sa 10 NGCP board seats na pinangungunahan nina Zhu Guangchao, ang Vice Chief Engineer at Director General of International Cooperation Department ng SGCC; Shan Shewu, Director General ng Philippine Office ng SGCC at Board member rin ng State Grid International Development; Liu Ming, ang SGCC Chief Representative ng Africa Office ng China; at si Liu Xinhua, isang engineer na may master's degree at topnotcher sa CPA Board Examination sa China. (Mindanao Examiner)


Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates




No comments:

Post a Comment