ISANG BUHAY na naman ang nabago matapos tamaan ng isang residente mula sa Negros Occidental ang P98,551,582 Grand Lotto 6/55 jackpot prize na binola noong Marso 14 via PTV-4 live telecast.
Ang maswerteng tiket na may kumbinasyon na 09-17-45-39-35-15 ay nabili sa La Carlota City.
Ilan din sa mga maswerteng nanalo ay ang 9 na manlalaro matapos na masungkit ang limang tamang numero at makakatanggap ng P100,000 bawat isa. Gayundin, merong 668 manlalaro ang nakatama ng apat na numero at makakatanggap ng P1,500 bawat isa.
Hindi man nakamit ang jackpot prize, maswerte pa rin kung ituturing ang 15,489 manlalaro matapos mahulaan ang tatlong tamang numero at makakatanggap ng P60 bawat isa.
Para makubra ang napanalunang premyo, dapat isulat ng malinaw ang pangalan at lagdaan ang likod na bahagi ng nanalong tiket bago magtungo sa lotto outlet or sa tanggapan ng PCSO at magdala ng dalawang valid government IDs.
Maging ang ahente ng lotto outlet kung saan tumaya ang manlalaro ay makakakuha ng 1% ng jackpot prize o hindi hihigit sa isang milyong piso bilang komisyon sa pagbebenta ng nanalong tiket.
Alinsunod sa R.A. 1169, ang mga nagwagi ay bibigyan ng isang taong palugit mula sa araw ng bola upang kubrahin ang premyo. Dagdag dito, ang mga premyo ng lotto jackpot ay maaari lamang makubra sa PCSO Main Office na matatagpuan sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.
Ang PCSO ay nagpapaalala na may kaakibat na 20% tax ang napanalunang jackpot prize alinsunod sa TRAIN LAW. Para sa karagdagang impormasyon at iba pang detalye ng mga laro, produkto at serbisyo ng PCSO, mangyaring bisitahin ang PCSO official website at PCSO FB page, at ang PCSO GOV channel sa YouTube. (Richard Ebona at Mark Lester Tejada)





