CAGAYAN DE ORO - Tinanggap kamakailan ng Mindanao Container Terminal (MCT) ang dalawang Mitsui hybrid rubber tired gantries (RTG) cranes mula sa Japan at ito ang kauna-unahang ekwipong hybrid para sa operasyong pantalan sa Mindanao.
Ang Mitsui hybrid RTGs ng Mindanao Container Terminal |
Ang MCT ay ang container terminal ng International Container Terminal Services, Inc. s Phividec Industrial Estate sa bayan ng Tagoloan sa Misamis Oriental.
Ayon sa MCT, pinapalawak ng mga bagong ekwipo ang RTG fleet na ngayon ay anim na at mas pinapataas pa ang yard productivity at pangkalahatang kahusayan o efficiency ng terminal nang hindi nakadaragdag sa carbon footprint nito.
Ang Mitsui hybrids ay pinapagana ng isang kumbinasyon ng isang bateryang lithium-ion at isang makinang diesel, hindi tulad ng mga pangkaraniwang RTG na 100% ay tumatakbo sa fossil fuel.
“Ang mga bagong hybrid na RTG ay ginagawang mas mahusay pa ang aming operasyon at kasabay nito ay mas maalaga sa kalikasan dahil sa pinababang emisyon sa hangin, at nagpapahintulot sa amin na maabot ang aming mga target sa pagiging produktibo at mas sustainable. Kami ay bumili rin ng mga karagdagang kagamitan upang mas matugunan ang aming pangangailangan sa mas malaking kapasidad,” ani Aurelio Garcia, MCT general manager.
Nakatakda rin ang MCT na maghatid ng mga bagong side lifter sa taong ito. Upang mas mapabuti pa ang kakayahan ng terminal sa pagserbisyo ng mga sasakyang-pandagat, bumili rin ang MCT ng mobile harbor crane na darating sa unang kalahati ng 2023. Daragdagan nito ang dalawang kasalukuyang quay crane ng MCT at kayang hawakan nang sabay-sabay ang dalawang mahahabang barko.
Ang pagbili ng mga bagong ekwipo ay dumating matapos ang 100-metrong berth extension at paglalagay ng mga dolphin mooring at inland bollard noong 2020. Ang mga pagpapahusay na ito ay nakatuon lahat sa pagtugon sa pagtaas ng volume sa Misamis Oriental at pangangailangan sa serbisyo habang ang pandaigdigang ekonomiya ay unti-unting nagsisimulang makabangon mula sa epekto ng pandemya. (Mark Navalaes, Malou Cablinda)
No comments:
Post a Comment