FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Sunday, June 19, 2022

SIM card registration, dapat isusulong muli

MAYNILA – Dapat na pursigihin ng mga mambabatas sa 19th Congress ang SIM (Subscriber Identity Module) Card Registration Bill upang mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga mobile phone users sa bansa laban sa iba’t-ibang uri scams.

Ito ay matapos na ibasura ni Pangulong Duterte ang SIM Card Registration Act na ipinasa sa Kongreso at Senado dahil kabilang sa probisyon nito ang mandatory registration rin ng social media.

Matatandaang inakusahan ng publiko ang pamahalaan ng pagkakaroon ng “troll farms” sa social media na siyang nagsusulong ng mga progapaganda at fake news laban sa mga oposisyon at iba’t-ibang grupo na tumutuligsa sa gobyerno.

Maging si Senador Grace Poe ay humiling rin na sa papasok na 19th Congress ay dapat talakayin muli ang SIM Card Registration Bill para ma-institutionalize ang pagprotekta sa milyun-milyong mobile phone users.

Matatandaang sa 18th Congress naipasa ang nasabing panukalang inisponsoran ni Poe, ngunit kinaharap nito ang balakid matapos ma-veto ng papatapos na administrasyon sa gitna ng kaunting natitirang araw ng sesyon bago ang “sine die” adjournment o ang pagtatapos ng session ng walang linaw kung kailan muli ito magbubukas.

“Dapat ikasa ng buong pamahalaan ang mas ligtas na paggamit ng digital at mobile phone sa buong bansa upang proteksyunan ang mga mamamayan mula sa mas malalim na pagbulusok nila sa kahirapan. Para sa karamihan, ang mobile phone ang kanilang tanging gamit para mabuhay, at hindi ito dapat nakokompromiso,” paliwanag ni Poe.

Nanawagan rin ito sa Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission (NTC) na palakasin ang kanilang mga hakbang laban sa talamak na text scams na nambibiktima ng mapagtiwalang mga mobile phone subscribers.

Sinabi ni Poe na maging siya ay nakatanggap ng texts mula sa iba’t-ibang prepaid mobile phone numbers na nangangako ng trabaho, dagdag na pagkakakitaan, insentibo at mga papremyo at kung anu-ano pa.

“Habang umaasa ang mas marami sa digital na teknolohiya para makaahon sa hirap, dapat paigtingin ang pagsawata sa lumalalang mga banta na lalong magpapalubog sa kalagayan ng ating mga kababayan,” ani Poe.

Sa kabila ng direktiba ng NTC sa Globe, Smart at Dito na magbigay ng babala sa kanilang mga subscribers laban sa mga pekeng trabaho, patuloy pa rin ang pagkalat ng mga scams.

“Hindi natin dapat hayaang patuloy na pagpiyestahan ng mga manloloko at sindikato sa likod ng mga text messages na ito ang mga kababayan nating lugmok pa rin sa hagupit ng pandemya at tumataas pang presyo ng langis at bilihin,” wika pa ni Poe.

Hinikayat rin ni Poe ang mga telco companies na palakasin ang kanilang operasyon kontra text scams at i-block agad ang mga SIM card numbers. (Mindanao Examiner)



No comments:

Post a Comment