USAP-USAPAN ngayon ang umano’y pagwo-walk out habang on-air ang programa ng SMNI news anchor na si Mike Abe dahil hindi umano nito nagustuhan ang pahayag ni Pastor Apollo Quiboloy hinggil sa naganap na unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos, ayon sa mga nakasaksing manonood nitong Hulyo 26.
Nagkakadiskusyunan daw sina Abe at Quiboloy patungkol sa
katatapos na SONA ni Marcos na naganap noong Hulyo 25.
Si Abe, na masugid na tagasuporta ni Marcos, ay naniniwalang
marami raw na positibong plano si Marcos sa ekonomiya ng bansa, batay sa mga
nasabi nito sa SONA. Ayos lamang daw kung maraming mga hindi nabanggit ang
pangulo gaya ng war on drugs, anti-corruption, paglaban sa komunismo, at iba
pa.
Kinontra naman umano ito ni Pastor Quiboloy dahil wala umano
itong silbi kung hindi mapupuksa ang insurgency sa bansa. Hindi umano ito
nabanggit sa SONA ng pangulo. Sana raw ay binanggit ito ng pangulo dahil tila
mawawalan daw ng pangil kung isasantabi lamang, lalo’t nasimulan na umano ito
ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tila hindi umano “bumenta” kay Abe ang mga nasabi ni Pastor
Quiboloy.
Maya-maya, nagpasalamat si Abe sa 15 taon niyang serbisyo sa
SMNI. Hinubad daw niya ang kaniyang suot na lapel at saka nag-walk out. Tila
nagdabog daw ito dulot ng mataas na emosyon.
Sinagot naman ni Pastor Quiboloy ang isyu sa pamamagitan ng mga
tanong ng mga netizen sa kaniya, Hulyo 26, na binasa naman ng host nito.
“May sarili po akong opinyon eh. Eh kasi hiningi niya ang aking
opinyon tungkol sa SONA. Sinabi ko na ‘di ba? Inulit nila sa Usapin ng Bayan,”
ayon sa pastor.
Ang punto raw ni Abe, kung babanggitin ni Marcos lahat ng mga
plano niya sa bayan, matatapos umano ito ng tatlong oras.
“Sino ang pinatututsadahan niya roon? Ako?! Ako ang unang
nag-comment eh. Ako ang unang ipinahiya niya sa TV. Ako eh nakikinig lang,
nakita ba ninyo akong nakikialam sa mga programa ng SMNI? Nakikialam ba ako sa
Usaping Bayan? Pero pinahiya mo ako sa TV, sa aking mga comments, o opinyon ko,
sinalungat mo at isa kang correspondent ng SMNI, eh talagang sasagutin kita
publicly,” giit ni Quiboloy.
“Hindi kita babastusin, sasagutin lang kita.”
“Opinyon mo? Eh opinyon ko rin ito. Programa mo ‘yan? Eh
estasyon ko ‘yan,” banat pa ni Quiboloy. “Nagpo-programa lang siya sa estasyon
ko. Kailangan igalang niya muna ako at ang opinyon ko. Kung may opinyon siya na
sarili niya, eh huwag niyang salungatin ang chairman niya. Kasi hindi naman
pagkakampi-kampi kung kanino itong opinyon ko. Hindi naman ako binabayaran sa
opinyon ko.”
Bilang chairman ng SMNI, talagang sinusubaybayan daw ni Quiboloy
ang lahat ng programa. Kapag alam na niyang mali ang nangyayari, talagang
panghihimasukan na niya ito.
“Hindi ninyo puwedeng gamitin ang SMNI para sa sarili ninyong
opinyon na hindi na objective! Hindi puwede sa SMNI ‘yun,” giit ng pastor.
(Richard de Leon – Balita)
No comments:
Post a Comment