PAGADIAN CITY - Mahalagang tutukan ang mga isyu ng gutom at malnutrisyon kasabay ng pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa bansa, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Ayon kasi sa naging resulta ng 2022 Programme for International
Student Assessment (PISA), 12% ng mga mag-aaral na labinlimang taong gulang sa
Pilipinas ang iniulat na pumapasok sa paaralan nang hindi kumakain araw-araw o
tuwing makalawa.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na may negative correlation
(-0.61) sa pagitan ng gutom at performance sa mathematics. Ibig sabihin, hindi
maayos ang performance ng mga batang gutom.
Nang tanungin ang mga mag-aaral kung gaano sila kadalas na hindi
kumakain dahil sa kakulangan ng perang pambili ng pagkain, 3% ang nagsabing
apat o limang beses sa isang linggo, 9% ang nagsabing dalawa o tatlong beses sa
isang linggo, at 15% naman ang nagsabing isang beses sa isang linggo.
Batay sa datos ng Department of Science and Technology-Food and
Nutrition Research Institute's (DOST-FNRI) sa taong 2021, 20% ng mga batang 5
hanggang 10 taong gulang o katumbas ng 2.7 milyon ang "stunted" o
mababa para sa kanilang edad. Iniulat din ng ahensya na 2.8 milyon o 21% ang
underweight, samantalang 1 milyon o 7% naman ang "wasted".
"Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon ng mga
kabataan ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan sa kalusugan at
nutrisyon. Alam nating mahirap matuto ang batang gutom, kaya patuloy nating
dapat hanapan ng iba't ibang paraan kung paano pangalagaan ang kalusugan ng
ating mga mag-aaral," ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on
Basic Education.
Ibinahagi din ng ulat ng PISA ang ilang halimbawa kung paano
makatutulong ang mga sistema ng edukasyon upang tugunan ang pangangailangan ng
mga mag-aaral pagdating sa nutrisyon. Sa Finland, halimbawa, tinitiyak ang mga
libreng pagkain mula pre-primary hanggang upper secondary education. Sa ilalim
naman ng School Meals Program ng Ireland, may nakalaang pondo para sa mga
kinakailangang pagkain para sa mga mag-aaral at mga bata sa mga paaralan at mga
organisasyon.
Ayon kay Gatchalian, pangarap niya ang pagkakaroon ng universal
school meal program upang tugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral
pagdating sa nutrisyon. Bagama't aminado ang mambabatas na kakailanganin ng
programang ito ang malaking pondo, magpapatuloy daw siya sa paghahanap ng pondo
at iba pang mga paraan para matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa
nutrisyon.
Upang matugunan ang stunting na nakakaapekto sa performance ng mga
mag-aaral, iminungkahi ng isang 2023 discussion paper mula sa Philippine
Institute for Development Studies na tiyaking tuloy-tuloy ang mga programa para
sa nutrisyon ng mga nanay, prenatal at postnatal care, nutrisyon ng mga batang
6-23 buwang gulang, at pagpapakain sa mga bata at sanggol. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment