FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Friday, April 26, 2024

𝐀𝐥𝐲𝐚𝐧𝐬𝐚 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐁𝐀𝐑𝐌𝐌 𝐩𝐨𝐥𝐢𝐭𝐢𝐜𝐚𝐥 𝐩𝐚𝐫𝐭𝐢𝐞𝐬, 𝐢𝐧𝐢𝐥𝐮𝐧𝐬𝐚𝐝 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐦𝐚𝐩𝐚𝐲𝐚𝐩𝐚𝐧𝐠 𝐡𝐚𝐥𝐚𝐥𝐚𝐧 𝐬𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟓

ISANG MALAKAS at malawak na alyansa ng mga BARMM political parties ang inilunsad kamakailan lamang na may layuning isulong ang peace at unity, inclusive governance at development, at ang pagsunod sa peace process sa Bangsamoro region.

Ang naturang koalisyon ay binubuo ng Bangsamoro Peoples Party o BPP, ang Al Ittihad-UKB Party, at ang Serbisyong Inklusibo Alyansang Progresibo o SIAP Party, kasama ang ilang political figures katulad ni Sulu Gov. Sakur Tan.
Kasama din sa adhikain ng alyansang nabuo ang pagtutulak at pagsisiguro na magkakaroon ng tapat, maayos at mapayapang halalan sa darting na 2025.
Nabuo ang koalisyon sa isang pagpupulong na isinagawa ng mga BARMM political parties at mga political figures sa Makati kahapon, Abril 24, kung saan bawat kasapi ay ipinaalam ang kanilang pagsuporta sa layunin ng alyansa.
Ayon kay TESDA Director-General Sec. Teng Mangudadatu, dating gobernador ng Sultan Kudarat governor at isang stalwart ng Al Ittihad-UKB Party, isinusulong ng alyansa ang mga ganansiya ng peace process sa BARMM kasama na ang adhikain ng mapayapang halalan at isang pamahalaan na may equal representation.
Aniya, kinikilala ng kanyang partido ang importansya ng pagkakaisa para sa kapayapaan sa rehiyon na mayroong cultural at ethnic diversity.
Ang alyansa, dagdag pa ni Mangudadatu, ay patunay ng kanilang determinasyon na magkaroon ng malawakang pagkakaunawaan sa lahat ng sektor ng lipunan, at nakahanda ang mga partido sa alyansa na isantabi ang pulitika para sa ikabubuti ng Bangsamoro region.
Sinabi naman ni Lanao del Sur Gov. Bombit Adiong ng SIAP Party, ang alyansa ay itinayo na may adhikain at prinsipyo ng inclusive governance at development, peace at unity, at pagpapahalaga sa BARMM peace process.
Nanawagan si Adiong sa ibang partidong pulitikal sa BARMM na sumama na sa kanilang alyansa para mas malaki ang tsansa na maging mapayapa ang halalan sa susunod na taon, at para masiguro na ang boses ng mamamayan ang mamamayani sa eleksyon.
Aniya, ang isang mapayapang halalan ang patunay ng isang demokratikong lipunan, na may pagpapahalaga sa katarungan, pagkakapantay-pantay at respeto sa karapatang pantao.
Ayon naman kay Basilan Rep. Mujiv Hataman, isa sa mga founders at stalwart ng BPP, ang isang mapayapang halalan ang rurok ng isang demokrasya.
Dagdag pa niya, ang malayang halalan ay manifestation ng kanilang collective struggle para sa self-determination at self-governance, kung saan nagpapamalas ng karapatan ng bawat mamamayan sa BARMM na pumili ng kanilang mga pinuno na walang takot at pangamba.
Ani Hataman, dapat siguruhin ang pagiging “sacred” ng karapatan ng mga mamamayan na bumoto at dapat itong irespeto ng lahat ng partido.
Sinabi naman ni Tan na bilang mga pinuno sa BARMM, mayroon silang responsibilidad na pangalagaan ang sanctity ng halalan at itaguyod ang integridad ng boto ng mamamayan. Ito ay bilang pagkilala, sabi pa ni Tan, sa sakripisyo ng mga lumaban para sa kapayapaan at demokrasya sa rehiyon para magkaroon ng maganda at maunlad na kinabukasan ang mga mamamayan ng BARMM. (Mindanao Examiner)


No comments:

Post a Comment