SUKO SA CHINA si Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong aminin paulit-ulit na hindi kaya ng Pilipinas na makipag-giyera sa Intsik na ngayon ay naglagay ng napakaraming mga base-militar sa ibat-ibang isla na inagaw nito mula sa ating bansa.
Ito ay matapos na maglabasan sa media ang mga larawan ng mga isla - di kalayuan sa Palawan - na sinakop ng China at naglagay pa ng mga airport, seaport at missiles at madalas na paglalapag doon ng mga fighter jets at barkong pandigma.
Sinabi ni Duterte na alam nito na may mga istraktura na sa mga isla at agad nitong sinisi ang nakaraang administrasyon at Amerika dahil pinabayaan diumano ang China sa kanilang militarisasyon sa South China Sea - na tinawag naman na West Philippine Sea ng nakaraang pamahalaang Aquino - na iginiit na mga Intsik bilang kanilang teritoryo.
Kabilang sa nilagyan ng base-militar ng China ay ang Panganiban Reef o Mischief Reef, Kagitingan Reef o Fiery Cross Reef at Zamora Reef o Subi Reef na pagaari ng Pilipinas. At apat na iba pang mga isla ang sinakop rin ng China at ito ang Calderon Reef, Gaven Reefs, Johnson South Reef at Hughes Reef na kung saan ay may mga base-militar at sundalo rin.
May pangamba rin na maging ang Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal na malapit rin sa Palawan ay sakupin ng China. Binabantayan ng mga sundalong Pinoy ang naturang isla mula sa bulok at kalawanging barko ng Philippine Navy - ang Sierra Madre - doon. Hanggang ngayon ay hindi ito binigyan ng kaukulang pansin ni Duterte at ng Armed Forces of the Philippines sa takot na umalma ang China sa anumang ilalagay doon ng Pilipinas. Kabilang ang mga reef at shoal sa Spratly groups of islands.
“There is an airport. There are missiles there installed. There are military equipment already in place. So what's the point of questioning whether the planes land there or not? There's an airstrip.”
“Gusto mo giyerahin? Sino ba may gusto? Kasi, sige, payag ako. I can declare war on China tonight but sino ang magpunta? Sundalo ko? Pulis ko? Mamatay lang lahat ‘yan. Why will I go to war for a battle that I cannot win? Para akong gago, so sino ‘yung mga gustong pumunta doon ngayon. Okay man ako. We will declare war against China. Provided ‘yung mga ugok, ‘yung maingay mauna sila. Nandiyan ako sa likod nila. Pagdating doon iwanan ko sila. Bahala kayo, eh kayo ‘yung gusto makipag away,” ani Duterte.
Minsan na rin nagbiro si Duterte na gawin na lamang lalawigan o teritoryo ng China ang Pilipinas tulad ng Hong Kong. Sa China rin humihingi ng tulong-pinansyal at nangungutang ang pamahalaang Duterte upang suportahan ang mga proyekto nito sa Pilipinas.
Sinabi ni Duterte na hindi rin umano siya pababayaan ng China na maalis sa puwesto. Ito ay matapos na sabihin ni Duterte na kung siya ay matangganl sa puwesto o mapatay ay walang ibang dapat sisihin kundi ang Central Intelligence Agency ng Amerika.
Noon nakaraang linggo lamang ay dineklara ni Duterte na pagaari ng Pilipinas ang Benham Rise sa Northern Luzon. Ngunit matagal na itong inako ng China matapos payagan ng pamahalaan noong 2004 na mag-research doon ang barkong Li Shiguang Hao ng China Navy Hydrographic Office at sa katunayan ay pinangalanan pa nito ang 5 lugar sa Benham Rise na Jinghao Seamount, Tianbao Seamounts, Haidonquing Seamount, Cuiqiao Hill at Jujiu Seamount.
Noong nakaraang taon ay inaprubahan ng International Hydrographic Organization ang naturang mga pangalan ng China sa Benham Rise. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/
http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: http://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
No comments:
Post a Comment