FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Tuesday, July 3, 2018

‘Iglesia’ ni Duterte


SA KABILA ng mariing pagbatikos at pagmumura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Panginoon ay nanatiling matatag at matibay pa rin ang suporta nito mula sa publiko.

Bagama’t malaki ang tiwala ng maraming Pilipino kay Duterte at sa kanyang administrasyon, umani naman ng matinding pagbabatikos ang kanyang pagmumura sa Diyos mula sa Simbahang Katoliko at iba’t-ibang grupo, kabilang ang oposisyon at mga mambabatas. Matatandaang kinuwestiyon ni Duterte ang Unang Tipan sa Bibliya at kung paanong ginawa ng Panginoon sina Eva (Eve) at Adan (Adam).

Tinawag ni Duterte na “estupido” ang Diyos dahil sa gumawa ito ng perpektong nilalang upang tuksuin lamang at magkasala. “Ang ginawa Niya…kinain ni Eve. Tapos si Eve, ginising si Adam, siguro katatapos lang. Kumain ka rin. So kinain ni Adam. Then malice was born. Who is this stupid God? Estupido talaga itong putang ina kung ganun. You created something perfect and then you think of an event that would tempt and destroy the quality of your work.”

“How can you rationalize that God? Ikaw, maniwala ka? Kaya nga sabi ko, huwag maniwala diyan, yawa Ka! All of us are born with an original sin. Ang original sin, ano man yan, was it the first kiss? What was the sin? Bakit original? Nasa womb ka pa may kasalanan ka na, tsuk-tsak yan pareho ng nanay at tatay mo, wala ka naman kasali tapos ngayon may original sin ka na, yan ang hindi ko matanggap,” ani Duterte sa isang pagtitipon sa SMX Convention Center in Davao City.

Dinipensahan naman ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pahayag ng Pangulo at sinabing karapatan ni Duterte ang kanyang paniniwala. “Iyan po ay personal na paninindigan ng Pangulo. Tingin ko ang ating Pangulo ay merong personal na ispirituwalidad, pero nasa kanya na iyan at hindi na kinakailangang bigyan ng interpretasyon,” ani Roque sa panayam naman ng GMA-7.

Sinabi naman ni Bishop Antonio Ablon, ng Pagadian City Archdiocese, na hindi na umano kayang depensahan ng pamahalaan si Duterte dahil sa Panginoon na ang pinagmumura nito.

“Hindi na talaga kayang i-depensa ang huling kontrobersiyang kinasangkutan ng Pangulo sa kanyang birada sa Simbahang Romano sa Pilipinas kaya sa halip ay ililigaw na lang ang usapin at doon ibinaling sa sexual abuse ng mga taga-Simbahan na hindi naman kayang mapalitan ang isyu sa pagtawag ng Pangulo na stupid God ang pinapaniwalaan nating mga Kristiyano,” wika pa ni Bishop Ablon.

Tinawag naman na “arogante” ni Senador Antonio Trillanes si Duterte sa paglapastangan nito sa Kristiyanismo at Diyos. “It is the height of arrogance of power not only to disrespect and spit on an individual’s faith but also to act as though he is God,” sabi pa ni Trillanes.

Ngunit ipinagtatangol naman ng mga taga-suporta ni Duterte ang Pangulo at sinabing ginagamit lamang ng oposisyon ang isyu upang sirain ito.

“Sinisiraan lamang ng mga taong ayaw at tutol sa pamamalakad ni Pangulong Duterte (kung) kaya’t ganoon na lamang ang kanilang pagbatikos sa kanya. The best ang Pangulo,” sabi pa ni Jesus dela Cruz, isang residente ng Davao. Ito rin ang naging pahayag ng iba at binansagang “black propaganda” ang mga batikos sa Pangulo. (Mindanao Examiner)

Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read And Share Our News: https://www.mindanaoexaminer.com/
http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
See Media Rates: https://mindanaoexaminer.com/ad-rates/


No comments:

Post a Comment