FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Monday, August 17, 2020

Zambo, lalong naghigpit!

MULING IPINAG-UTOS ni Mayor Beng Climaco sa pulisya ang mas pinaigting na pagpapatupad sa community quarantine guidelines dahil patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa Zamboanga City.

‘Quarantine guidelines 
violators, hahabulin’ 


Pumalo na sa mahigit 300 ang bilang ng mga aktibong kaso ng Covid-19 at mahigit dalawang dosena na ang mga nasawi dahil sa naturang sakit mula pa noong Marso.

Maraming beses na rin nagpaalala si Climaco sa mga residente na sundin ang patakaran sa tuwing lumalabas ng bahay, partikular ang paggamit ng face mask at ang physical o social distancing.

Ngunit sa kabila ng mga paalala ni Climaco ay marami pa rin ang patuloy na lumalabag sa kautusan.
Ilang libong katao na rin ang nasita ng pulisya dahil sa mga paglabag sa community quarantine guidelines, ngunit tila hindi alintana ng mga ito ang peligrong dala ng coronavirus.

Lumubo rin ang bilang ng Covid cases dito dahil sa mga locally stranded individuals at deportees mula Sabah na pinabalik ng national government sa kanilang mga lugar, kasama na ang Zamboanga City, dahil sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa huling virtual conference ni Climaco sa mga miyembro ng City Peace and Order Council at sa City Anti-Drug Abuse Council, muli nitong inatasan ang pulisya na mas higpitan ang pagpapatupad sa community quarantine guidelines. Ito ay sa kabila ng daan-daang nasisitang mga residente na araw-araw ay lumalabag sa community quarantine guidelines.

“As mayor, we are directing the ZCPO (Zamboanga City Police Office) to strengthen enforcement of Covid protocols. The law enforcement arm is really the City Police (force),” ani Climaco na siyang chairperson ng City Peace and Order Council at City Anti-Drug Abuse Council.

“Law enforcers should double if not triple efforts to ensure that residents strictly comply with quarantine rules and minimum health standards and help reduce transmission of the virus,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Climaco na maraming mga residente ang nadadapuan ng sakit dahil sa kanilang kapabayaan sa sarili. Karamihan sa mga ito ay lumalabas ng bahay kahit walang quarantine pass o kaya ay hindi sumusunod sa social distancing at walang mga suot na face mask.

Noong nakaraang buwan lamang ay sinabihan na rin ni Climaco ang pulisya na tumulong sa pagpapatupad ng quarantine guidelines at habulin ang mga lumalabag nito.

Kamakailan lang ay ipinag-utos rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulisya na arestuhin ang lahat ng lumalabag sa quarantine guidelines. At nagbanta pa itong gagamitin ang militar upang maipatupad ang quarantine guidelines kung patuloy ang pagtaas ng bilang ng Covid-19 sa bansa na ngayon ay mahigit na sa 60,000.

“So we will have to ask our police to be strict(er). So hulihin talaga. A little shame would put them on notice forever. Sino ba namang gustong mahuli ka, but if you are brought to the police station and detained there, that would give you a lesson for all time. We don’t have any qualms in arresting people under ordinary times,” ani Duterte.

“That’s what I’m saying is, that a simple violation of not wearing a mask and (practicing) social distancing, all of these things. But during times of health issues, you can (arrest quarantine guidelines violators) because it can be a serious crime transmitting the (Covid-19). The theory is that you are the carrier that is why you should wear a mask so as not to pass on the infection to the other guy. Baliktad ang psychology diyan para talagang maniwala kayo,” dagdag pa nito. (Zamboanga Post)


Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates



No comments:

Post a Comment