HUMIHINGI NG tulong kahapon kay Zamboanga Mayor Beng Climaco ang isang janitress ng hotel dito matapos na umano’y tiketan ito ng mga pulis sa checkpoint ng Barangay Divisoria dahil sa umano’y hindi pagdadala ng quarantine pass.
Ang Zamboanga City ay nasa ilalim ng mas maluwag na General
Community Quarantine (GCQ) at hindi kailangan ang quarantine pass upang
makapasok sa trabaho o makalabas ng bahay ang isang residente. Ginagamit lamang
ang quarantine pass kung ang Zamboanga City ay nasa ilalim ng Enhanced
Community Quarantine o Moderate Enhanced Quarantine dahil sa mataas na bilang
ng Covid-19 cases.
Ayon sa sumbong ng janitress ng LM Metro Hotel ay nagpahatid ito sa motorsiklo sa kanyang asawa dakong alas 5.30 ng umaga ng Setyembre 15 mula Barangay Mercedes, ngunit hinarang umano sila sa checkpoint na binabantayan ng 3 pulis dahil wala umano itong dalang quarantine pass, subalit may bitbit na Quarantine Pass B ang asawa kahit pa kumpleto ang dalawa sa mga ibat-ibang papeles at IDs, pati kopya nga marriage contract at vaccination card.
“Nagmaka-awa na ako sa kanilang lahat dahil ipinaliwanag ko
na hindi naman kailangan ang quarantine pass dahil nasa GCQ naman tayo, pero
nag-isyu pa rin sila ng citation ticket at kailangan ko raw magbayad ng P500,”
ani ng janitress na si Rhodora sa reklamo nito sa Radyo Mindanao podcast.
“Sinabi ko rin sa mga pulis na P300 lang ang sweldo ko at
hindi rin regular ang pasok ko sa trabaho at walang trabaho yun asawa ko. Paano
na lang kami niyan dahil P300 ang sweldo at P500 ang citation ticket?” sambit
pa nito.
Humihingi ng hustisya si Rhodora at nanawagan na rin ng
tulong kay Climaco upang bigyan pansin ang kanyang problema dahil sa umano’y
maling pagpapatupad ng protocol sa Divisoria checkpoint. Sinabi pa ng mga pulis
kay Rhodora na hindi lamang siya ang natiketan at marami pang iba.
“Sabi ng mga pulis eh sa City Hall na lang daw ako
mag-reklamo at dapat eh nag-tricycle na lamang ako, ngunit mas malaki ang gastos
kung tricycle ang sasakyan ko dahil P200 ang singil mula Mercedes hanggang sa
LM Metro hotel, at kung jeep naman ay magastos rin dahil ilang sakay ang
kailangan ko para makapasok sa trabaho. Kawawa naman kaming mga maliliit,” sabi
pa ni Rhodora. “Sana matulungan kami ni
Mayor Beng at wala na nga kaming makain sa araw-arawa eh natiketan pa kami ng
wala sa lugar. Sana makarating rin ito sa mga kinauukulan.” (Zamboanga Post)
No comments:
Post a Comment