ZAMBOANGA CITY – Nagwala umano sa isang videoke bar ang driver ni Zamboanga City Mayor Beng Climaco matapos na hindi ito nakakanta at pinagmumura ang waitress at nagbanta pa na ipasasara ng naturang negosyo.
Sa ekslusibong panayam ng E-Media TV, sinabi ng waitress na ipinahiya siya ng driver ni Climaco sa harapan ng maraming customer. Hindi pa umano ito nasiyahan sa kanyang pagmumura ay binato pa nito ng identification card ang waitress.
Ipinaliwanag naman ng waitress na low battery ang microphone at naka-charge pa, ngunit hindi naman nagpaawat ang driver at sabay sambit ng “hindi mo ba ako kilala? Hindi mo ba kilala yun kinakalaban mo? Anong ginagawa mo sa akin tanga? O, ayan ang ID ko, driver ako ni Beng, malakas ako sa kanya, kaya kong i-close itong establishment ninyo.”
Sinabi pa ng waitress na hinila na lamang umano ng 3 iba pang lalaking kasama ang driver dahil sa eskandalo. Naganap umano ito kamakailan lamang. Kinabukasan matapos ng iskandalo ay dumating umano si Climaco sa naturang bar at nakipag-usap sa may-ari nito. Kasama pa umano ang ilang parak at pinapirma ang waitress na nagkaayos na raw si Climaco at ang may-ari ng bar.
Humingi rin umano ng paumanhin si Climaco sa waitress, at gayun rin ang driver. Ngunit sinabi naman ng waitress na hindi sapat ang paghingi ng sorry ng driver. Nais nito na masibak sa puwesto ang bastos na driver.
Inamin ng waitress na hindi siya kuntento sa pirmahan ng amicable settlement. “Hindi okay sa akin, kailangan ipa-disiplina (ang driver). Kailangan matanggal sa trabaho dahil hindi siya karapat-dapat sa gobyerno,” ani ng waitress.
Hindi naman inilabas ng nasabing himpilan ng radyo ang pangalan ng driver at waitress, at ang pangalan ng bar na pinaniniwalaang nasa Yubenco Mall. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment