FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Friday, December 6, 2019

Hustisya para kay ‘Barbie’

NABIGYAN NA rin ng hustisya ang brutal na pagpatay sa isang dalagita ng sariling amain matapos na umano’y manlaban sa pulisya sa bayan ng Isulan sa lalawigan ng Sultan Kudarat, ngunit 2 iba pa ang diumano’y pinaghahanap ng mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, napaslang si Richard Gumilid, 31, na pangunahing suspek sa pagpatay kamakailan lamang sa 16-anyos na si Barbie Inocencio. Natagpuan ang bangkay ni Barbie – na estudyante ng Notre Dame of Banga - sa isang sako na itinapon sa isang irrigation canal.

Unang inulat ng ina ni Barbie na ito ay nawawala at laking gulat na lamang ng mabatid na ang kinakasamang si Richard ang itinuturong pumatay sa kanyang anak.

Sinabi ni Lt. Col. Lino Capellan, ang tagapagsalita ng Police Regional Office 12, na napatay sa operasyon ng pulisya si Richard matapos na tangkain nitong pasabugan ng granada ang mga parak na tumutugis sa kanya sa Barangay Kalawag na kung saan ito nagtatago.

Napag-alaman ng pulisya na may mga text messages umano si Richard kay Barbie na ito ay kanyang susunduin. Ipinaalam rin ni Barbie sa kanyang mga ka-klase na siya ay susunduin ng kanyang “Tito Richard” sa paaralan noong Disyembre 2 – ang araw ng mawala ang dalagita.

Sa imbestigasyon ng pulisya, si Richard ang huling nakitang sumundo kay Barbie gamit ang itim na kotse na kanyang hiniram sa mismong ina ng biktima. Hindi pa mabatid kung ano ang nagtulak kay Richard na patayin si Barbie.

Hindi pa rin mabatid kung ginahasa ba ang biktima bago ito pinatay sa saksak. Isasa-ilalim sa autopsy ang bangkay ng bata upang malaman kung ito ba ay ginahasa. Bukod kay Richard, may 2 pa “persons of interest” sa pagkamatay ni Barbie, ayon sa pulisya. Itinanggi naman ng pamilya ni Richard ang paratang laban sa kanya.

Hindi naman agad makunan ng pahayag ang ina ni Barbie ukol sa naganap dahil sa trahedyang dumating sa buhay nito. (Rhoderick Beñez)

Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates


No comments:

Post a Comment