FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Thursday, January 9, 2020

Modernisasyon sa transportasyon, inaasahang magpapatuloy sa Gensan

BINIGYAN  PAPURI ng pangulo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Atty. Martin Delgra III ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang mga transport group sa lungsod tungo sa modernisasyon.
Ayon sa ulat mula sa facebook page ni City Mayor Ronnel Rivera, sinabi ni Atty. Delgra noong ika-3 ng Enero, na kahit kinakailangang ihanay ng lokal na pamahalaan ng Gensan ang kanilang mga planong pang-transportasyon sa pambansang gobyerno, kailangan ding pangalagaan ng LGU ang interes ng mga transport groups bilang isang mahalagang bahagi ng kanilang implementasyon. Higit umano sa lahat, kailangang isipin ang interes ng nakararaming komyuters, bilang pangunahing tagatanggap ng transport service.
Ang Lungsod ng Heneral Santos ang pinakaunang lokal na pamahalaan sa buong bansa na nakapagpasa ng sariling LPTRP o Local Public Transport Route Plan, isang mahalagang bahagi ng mandatory transport modernization program ng gobyerno.
Nagpahayag din si Delgra ng kanyang pagsang-ayon sa mensahe ni Mayor Rivera tungkol sa pakikiisa ng lahat tungo sa modernisasyon, na kailangang walang maiiwan sa hakbanging ito.
Samantala, binigyang halaga rin ni Delgra ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan na tulungan ang local transport groups sa transisyon nito sa modernization compliant units katulad ng electronic jeepneys.
Matatandaang noong nakaraang taon, pinangasiwaan ng LGU GenSan ang isang fleet management seminar upang maturuan ang mga drayber, operators, at mga opisyal, na patakbuhin nang maayos ang kanilang mga kooperatiba. Bukod pa rito, binigyang-diin din ni city councilor at chairman ng committee on transportation na si Atty. Franklin Gacal Jr. ang Business Enterprise Support Trust (BEST) Ordinance, isang subsidy program ng LGU na maaaring magamit ng mga lokal na transport cooperatives.
Bukod pa rito, ipagpapatuloy ng Gensan ang rationalization ng three-wheel transport plan o ang pagka-klaster ng mga tricycle sa mga napagkasunduang ruta. At ilang buwan mula ngayon, isasagawa din sa lungsod ang isang enggrandeng Transport Operators and Drivers Association Summit (TODA Summit) kasama ang lahat ng local transport group stakeholders. (PIA Gensan)


No comments:

Post a Comment