‘Isang taon na ang problema, wala pa rin solusyon’
ISANG MIYEMBRO ng Zamboanga City Electric Cooperative ang nagreklamo dahil sa di-umano’y paulit-ulit nitong pakiusap sa ZAMCELCO na tugunan ang kanyang problema sa kable ng kuryente na nasa loob ng kanilang compound.
Ayon sa kanyang reklamo na idinulog sa community page na ZAMCELCO Consumers’ Complaint Page sa Facebook, maraming beses na itong dumulog sa ZAMCELCO ngunit walang aksyon ang kooperatiba.
Nabatid na mahigit sa 3 buwan na itong nagre-reklamo sa ZAMCELCO dahil nakaharang ang kable ng kuryente sa ibabaw ng kanilang ipinapagawang bahay sa Barangay Talon-Talon. Nakuryente na rin umano ang kanyang mga karpentero dahil sa problemang dulot ng kable sa kanilang ipinapagawang bahay.
“Nagpapagawa po kami ng bahay sa Talon-Talon area, pero di po kami puwedeng mag-proceed sa roofing kasi nandoon po ang kuryente ng ZAMCELCO at wala pong proper na poste. It’s been 3 months already since nag request kami for the relocation (ng kable ng kuryente) and they gave us a letter saying that it’s for schedule, but until now wala pa rin,” saysay ng nag-reklamo.
“Three times na kami nagpunta doon (sa ZAMCELCO) at wala rin nangyari. One day maulan, habang gumagawa ang carpenter namin biglang nag spark ang kuryente na nasagid ng bakal na ginagamit sa paglagay ng semento ng poste ng bahay at na electric shock ang carpenter pero d naman masyadong malakas. Kung pwede, hingi ako ng tulong sa inyo kung ano ba ang puwede naming gawin para alisin nila ang kuryente sa loob ng property namin at lagyan nila ng proper poste. The neighbors told us na since last year pa daw sila nagre-request na palagyan ng poste meron naman doon ready na ang poste, pero di pa rin nila ginagawa,” dagdag pa nito.
Nagtatanong na rin ang ginang na nag-reklamo kung anong legal action ang maaari nilang gawin laban sa ZAMCELCO kung sakaling may makuryenteng karpentero sa kanilang ginagawang bahay dahil sa nakahambalang na kable ng kuryente.
“Ano bang legal action ang puwede kong gawin para kung sakaling may masamang mangyari sa carpenter (namin) na ZAMCELCO ang (may) liability kasi even through email, phone call, text and chat messages nagawa ko na at hanggang ngayon wala pa (rin aksyon. Naghihintay kami sa kanila para matapos na namin ang bahay at ang masaklap (eh) nangungupahan lang kami at di nmin magawa ang bahay dahil sa kuryente dahil natatakot ang mga carpenter maglagay ng roofing,” ani pa ng nag-reklamo.
Kaliwa’t-kanan ang reklamo ng mga electric consumers sa ZAMCELCO dahil sa palpak na serbisyo nito. Maging ang Service Department nito ay hindi rin maasahan at kadalasan ay walang sumasagot sa mga tawag sa telepono. Tadtad rin ng reklamo ang ZAMCELCO Consumers’ Complaint Page sa Facebook bagama’t isa lamang itong community page na ang layunin ay iparating sa kinauukulan ang mga problema at hinaing ng mga consumers. (Zamboanga Post)
No comments:
Post a Comment