MAYNILA – Handa na umano si Vice President Leni Robredo na sumabak sa pagka-Pangulo sa susunod na halalan matapos itong mag-deklara ng kanyang kandidatura.
Bumuhos ang suporta kay Robredo mula sa ibat-ibang sektor, kabilang ang simbahan at mga civic groups, ngunit bumaha rin ang black propaganda laban sa kanya mula sa mga grupo ng trolls na identified kay Pangulong Rodrigo Duterte at Bongbong Marcos na aspirante rin sa pagka-Pangulo.
Narito ang ilang bahagi ng pahayag ni Robredo sa kanyang kandidatura: “Puno ng taimtim na pagninilay ang mga nakaraang araw. Salamat sa lahat ng nagparating ng suporta, sumabay sa dasal, at umunawa sa pinagdaanan kong discernment process ukol sa halalan ng 2022. Sa prosesong ito, walang naging lugar ang ego o pansarili kong interes. Mabigat na responsibilidad ang pagka-Pangulo, at hindi ito puwedeng ibase sa ambisyon o sa pag-uudyok ng iba. Pagdating sa pamumuno, iisa lang dapat ang konsiderasyon: Ano ba ang pinakamabuti para sa bansa natin?”
Lalong matimbang ang tanong na ito dahil sa napakalaking hamon ng pandemya. Ang dami nang namatay. Marami sa atin, ginawa na ang lahat na puwedeng gawin para lang mailigtas ang mahal sa buhay; para makahanap ng pambili ng pagkain; para maitawid ang sarili sa kinabukasan. Mahaba ang daang tinahak natin para makarating sa araw na ito. Hindi ko binalak tumakbo. Iniisip ko nang bumalik na lang sa probinsya namin, kung saan marami rin ang umaasa sa aking tumulong magpanday ng pagbabago.
Nitong mga nakaraang linggo, nakipagpulong tayo sa iba't ibang mga personalidad. Nilinaw ko sa kanila: Handa akong magbigay-daan at tumulong na lang. May alok din silang sumanib na lang ako bilang kandidato, o bilang bahagi ng kanilang administrasyon sakaling manalo sila. Ang tugon ko, hindi ito tungkol sa posisyon; hindi tayo nakikipag-usap para makipagtransaksyon. Ang pinakamahalaga, magkaisa kami—sa prinsipyo, sa pangarap para sa bansa, at sa landas na dapat tahakin tungo sa katuparan ng mga ito. Nilinaw ko rin: Buhay at kinabukasan ng Pilipino ang pinag-uusapan natin ngayon. Pinipilahan ang mga ospital, dumadaing ang mga health workers, at nagugutom ang mga nawalan ng trabaho. Samantala, bilyon-bilyong piso ang inilagay sa mga kuwestiyonableng kontrata habang milyon-milyong Pilipino ang naghihikahos.
Alam na nating lahat ito: Kaya maraming nagugutom, naghihirap, at namamatay, dahil sariling interes at hindi kapakanan ng Pilipino ang number one priority ng mga nasa poder. Ang kawalan ng maayos na pamamahala ang ugat ng ating maraming mga problema, at ito ang kailangang wakasan. At kung gusto nating tunay na makalaya sa ganitong situwasyon, hindi lang apelyido ng mga nasa poder ‘yung dapat palitan; 'yung korupsyon, 'yung incompetence, 'yung kawalan ng malasakit, kailangang palitan ng matino at mahusay na pamumuno. Handa dapat tayong iwaksi nang buong-buo ang mga agenda, ang mga interes, ang mismong mga tao at klase ng pulitika na sanhi ng pinagdaraanan ng bansa natin ngayon. Kung hindi ka lilinya nang malinaw; kung makikipagkompromiso ka; kung hindi mo man lang kayang sabihin [na] mali ang mali—na kaninong panig ka ba talaga?”
Dagdag pa nito: “Buong-buo ang loob ko ngayon: Kailangan nating palayain ang sarili mula sa kasalukuyang situwasyon. Lalaban ako; lalaban tayo. Inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan ng 2022. Malinaw sa lahat ang hamon na kinakaharap natin. Nakita na nating lahat ang pagsisinungaling at panggigipit na kayang gawin ng iba para maabot ang mga layunin nila. Nasa kanila ang pera, makinarya, isang buong istrukturang kayang magpalaganap ng anumang kuwentong gusto nilang palabasin. Pero hindi kayang tabunan ng kahit na anong ingay ang katotohanan: Kung parehong uri ng pamamahala at pareho ang pagkatao ng mga magwawagi sa araw ng halalan, wala tayong aasahang pagbabago.
Dito tayo pupusisyon. 'Yung pagod; 'yung pakiramdam na parang wala kang kalaban-laban, na parang nagawa mo na ang lahat pero kulang pa rin; 'yung pagnanasang makaraos ng taumbayan, bibigyan natin ng bago at positibong anyo; gagawin natin itong paninindigan, gagawin nating enerhiya. Tatalunin natin ang luma at bulok na klase ng pulitika. Ibabalik natin sa kamay ng karaniwang Pilipino ang kakayahang magdala ng pagbabago.
Heto ako ngayon, humahakbang. Ipaglalaban ko kayo hanggang dulo. Itataya ko ang lahat; ibubuhos ko ang lahat na kayang ibuhos. Sama-sama tayong tumaya sa laban na ito. Buong bansa tayong tumungo sa isang kinabukasang mas patas at mas makatao; kung saan ang bawat Pilipino ay may pagkakataong umasenso; kung saan ang lakas ng bawat isa ay nagiging nagkakaisang lakas ng lahat—lakas na dadaig sa anumang krisis, anumang hamon, lakas na magiging simula ng ating kolektibong pagbangon. Buong-buo ang tiwala ko: Magtatagumpay tayo. Buong-buo pa rin ang pananalig ko sa Diyos at sambayanang Pilipino.” (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment