‘Supporter na ba ni VP Leni Robredo?’
DAVAO CITY – Trending ngayon sa social media ang bunsong anak ni Pangulong Duterte na si Veronica o mas kilala bilang “Kitty” matapos itong maglabas ng dalawang video clips sa Twitter na masayang sumasayaw sa political jingle ni Vice President Leni Robredo.
Kasama ni Kitty ang kanyang mga kaibigan sa naturang kasiyahan at ilang beses rin itong gumawa ng hand gesture na L – ang unang letra ng pangalan ng abogadong si Robredo na tumatakbo bilang Pangulo sa darating na halalan.
| Screen shot ng video clip ni Kitty Duterte habang sumasayaw sa political jingle ni Vice President Leni Robredo. Sa itaas ay makikita ang larawan ni Kitty mula sa kanyang Facebook page. |
Sa isang clip, makikita ang masayang si Kitty at mga barkada na tumatalon sa kama habang sumasabay sa indak ng Robredo jingle.
Ilang oras matapos na i-upload ni Kitty ang kanyang dalawang video ay agad itong nag-trending sa Twitter at sa Facebook at umani ng papuri mula sa mga Netizens na tuwang-tuwa sa ginawa ng 17-anyos na bunso ni Duterte kay dating beauty queen Cielito “Honeylet” Avanceña.
Pumalo na sa halos 1.4 million view at nag-like sa naturang videos ni Kitty sa Twitter.
Walang pahayag ang mga magulang ni Kitty sa kanyang videos, ngunit kamakailan lamang ay sinabi ni Duterte na nais nito na ang susunod na Pangulo ay isang abogado.
“Ang ano nga is, hindi naman ako nagsabi it’s the best quality, but one of the good qualities of a president, sana abogado. Isang tingin mo lang, maka-decide ka na kaagad. And the repercussions, alam mo na kung ano. Whatever kind of, how would you say, issue or alam mo na,” ani Duterte.
Mahigpit na kalaban ni Robredo sa pagka-Pangulo si Bongbong Marcos, na anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos. Ilang beses na rin tinira ni Duterte si Marcos at binasagan pa itong “weak leader” matapos nitong almahan ang pagtakbo ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte bilang vice president ni Bongbong.
Nais ni Duterte na si Sara ang siyang maging susunod na Pangulo ng
bansa, subalit sinuway naman nito ang kagustuhan ng kanyang ama. (Mindanao
Examiner)





