IBINANDERA NI Pangulong Bongbong Marcos ang ilan sa mga nagawa ng kanyang administrasyon sa unang 100 araw ng panunungkulan nito.
Bagama’t naunang sinabi ni Marcos na hindi na kailangan itong ihayag sa publiko dahil sa maiksing panahon, inilabas naman nito sa kanyang vlog ang mga iba’t-ibang programa ng kanyang administrasyon.
Una na rito ang pagbabayad sa mga unpaid claims na Special Risk Allowance (SRA) sa mga health workers mula sa pribado at pampublikong sektor. Ayon kay Marcos, may pondong inilabas ang Department of Budget and Management na halos P1.4 bilyon.
Maraming mga medical workers ang nagrereklamo na walang natanggap na SRA. Maging sa Zamboanga City Medical Center ay maraming mga medical workers ang walang nakuhang SRA mula June-December ng 2021 at April-October ng kasalukuyang taon.
Sinabi rin ng Marcos na nakabalik na rin ang 28 milyong magaaral sa kanilang klase o face-to-face learning set up. Pinalawig rin, ani Marcos, ang Libreng Sakay Program para sa mga estudyante habang sinimulan na rin palakasin ang ekonomiya sa pamamagitan nang panghihikayat sa mga negosyante na mamuhunan sa bansa.
Maging ang mga state visits ng Pangulo sa iba’t-ibang bansa ay malaki ang naitulong sa negosyo dahil sa mga pledges ng mga investors at sa maraming trabaho na mabibigyan nito.
Sinabi pa ni Marcos na may dagdag pondo na rin para sa mga magsasaka sa ilalim ng High Value Crop Program, gayun rin sa mga nasalanta ng kalamidad sa bansa.
Inilahad rin ni Marcos ang suporta ng kanyang
pamahalaan sa Mindanao peace process at sa pag-apruba nito sa mga miyembro ng
Bangsamoro Transition Authority sa autonomous region. (Alvin Baltazar, Mindanao
Examiner)
No comments:
Post a Comment