FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Friday, March 10, 2023

‘Water Beads,’ delikado sa mga bata

CAGAYAN DE ORO CITY - Nagbabala ang BAN Toxics sa publiko sa patuloy na paglipana sa pamilihan ng laruang ‘water beads’ dahil sa panganib na maaaring idulot sa kalusugan ng mga bata.

Gawa sa polymer chemicals ang makukulay na ‘water beads’ na tinatawag ding ‘jelly beads’, ‘hydro orbs’, ‘crystal soil’, at ‘gel beads’. Kapag inilagay sa tubig ang mga maliliit at matigas na butil ng plastik, lumolobo ito hanggang 1,500 beses sa original na laki.


Kadalasang matingkad ang kulay at mistulang kendi and ‘water beads’ na binebenta bilang laruan. Ang mga katangiang ito ang nakakaakit sa mga bata at maaari nila itong malunok or maipasok sa tenga, ilong, o iba pang butas ng katawan.

Mabibili umano ang mga ito sa halagang P80 sa mga palengkes at iba pang tindahan sa bansa at sinubukan din ng BAN Toxics ang laruan at inilagay ang makukulay na butil sa tubig upang malaman ang aktwal na laki at oras para lumobo. 

“Nakakabahala na nagpapatuloy ang pagbebenta ng mga laruang water beads sa mga pampublikong palengke kahit naglabas na ng babala dito dahil sa panganib na maaaring idulot sa kalusugan ng mga bata,” ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics.

Noong 2009, naglabas ang Department of Health ng pabatid kaugnay sa pagbebenta ng Seven Color Crystal Balls at inabisuhan ang publiko na ilayo ang mga laruan sa mga bata dahil hindi dapat ito ginagawang laruan. Inilalagay nito sa panganib ang mga bata kapag aksidenteng nakain. Mabibili rin ang mg aprodukto sa mga tindahan malapit sa mga eskwelahan at ginagawang laruan ng mga estudyante dahil sa kaaya-aya nitong mga kulay at itsurang gel.

Ayon sa HealthChildren.org, maaaring malunok ng mga maliliit na bata ang mga butil dahil mukha itong kendi. Nailalagay ng mga bata ito sa kanilang mga tenga at nasisinghot. Maaaring lumaki ang mga butil sa loob ng katawan na magdudulot ng pagbara at nakamamatay na epekto.

Mga palatandaang nakalunok ng water beads ang isang bata:

  1. kawalan ng ganang kumain
  2. pagkaantukin
  3. paglalaway
  4. pagsusuka
  5. hika
  6. dinadaing na bara sa lalamunan o dibdib
  7. pananakit ng tiyan
  8. kahirapan sa pagdumi o constipation
  9. paglaki at pamamaga ng tiyan

 

Kamakailan lamang, inilabas ng TODAY.com ang balita sa isang batang nakalunok ng water beads sa San Antonio, Texas sa Amerika. Dinala sa ospital ang sampung buwang bata dahil sa pagsusuka. Pinakita ng doktor ang mga larawan ng nakita nitong water beads sa loob ng bituka ng bata. 

“Nananawagan kami sa Food and Drug Administration na maglabas ng babala sa publiko, muling ilabas ang 14-taong health advisory ni dating Secretary Duque III, at magsagawa ng kagyat na kumpiskasyon ng mga produkto upang maiwasan ang panganib sa buhay ng mga bata,” ani Dizon.

Hindi rin pumasa ang produkto sa labeling requirements sa ilalim ng RA 10620 o Toy and Game Safety Labeling Law. Sa ilalim ng Seksyon 10, sinumang lumabag sa probisyon ng batas ay magbabayad ng hindi bababa sa P10,000 hanggang P50,000, o pagkabilanggo ng tatlong buwan hanggang dalawang taon, o parehas ayon sa kautusan ng korte. (Mindanao Examiner)



No comments:

Post a Comment