MULING PINAALALAHANAN ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang mga pamahalaang lokal na tiyaking naibibigay sa mga senior citizen ang lahat ng mga benepisyong inilaan sa kanila alinsunod sa batas.
Ito ay matapos na maraming reklamo mula sa mga
senior citizens at kanilang pamilya sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na
nagsusumbong dahil sa hindi pagbibigay sa kanila ng mga pribilehiyo.
Sinabi ni Abalos na ayon sa Expanded Senior Citizens Act, nararapat bigyan ng
mga kaukulang tulong ng gobyerno ang mga senior citizen para sa trabaho,
edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, pabahay, pampublikong sasakyan,
pati na mga karagdagang tulong kagaya ng social pension at mandatory Philhealth
coverage.
“Nagampanan na ng ating
mga senior citizen ang kanilang mga tungkulin bilang mga mamamayan ng bansa.
Ngayong matatanda na sila, ibalik naman natin sa kanila ang mga benepisyo na
binibigay ng batas para maramdaman nila na mahalaga silang kasapi ng lipunan,” ani Abalos.
Sinabi ni Abalos na malinaw sa batas na bibigyan ang mga senior citizens ng 20%
na diskwento o exemption mula sa value added tax para sa goods and services
tulad ng gamot, influenza at pneumococcal vaccines, professional fees ng mga
doktor sa mga ospital at iba pang medical facilities at medical and dental
services ayon sa mga patakaran ng Department of Health (DOH) at Philippine
Health Insurance Corporation (PhilHealth).
May kaukulang 20% diskwento rin sa pamasahe para sa mga pampublikong sasakyan
maging sa mga eroplano at barko, bayad sa mga sine, concert at iba pa, at
funeral and burial services para sa namatay na senior citizen.
Dagdag ni Abalos, mayroon ding karagdagang 5% diskuwento ang mga senior
citizens sa bayarin sa kuryente at tubig, basta ang mga ito ay nakapangalan sa
kanila at hindi lalampas sa 100 kilowatt hours ng kuryente at 30 cubic meters
naman sa tubig ang nakunsumo.
Nilinaw rin niya na ayon sa batas, kailangan lamang mag-presenta ang mga senior
citizens ng alin man sa mga sumusunod para matanggap ang mga benepisyo at
pribilehiyo ayon sa batas — identification card mula sa Office of the Senior
Citizens Affairs, passport, o iba pang dokumento na nagpapakita na siya ay 60
anyos pataas na.
Sa kanyang Memorandum Circular 2023-045, sinabi ni Abalos kung sakaling
magbibigay ng additional benefits ang mga pamahalaang lokal sa mga senior
citizen sa kanilang sinasakupan, hindi kinakailangang humingi pa ng additional
requirements bilang patunay na sila ay residente doom bukod sa alin man sa
sumusunod: barangay certification, contract of lease, proof of billing o valid
government ID.
“Hindi rin kailangang rehistradong
botante ang senior citizens bago siya makatanggap ng benepisyo na ibibigay ng
LGUs. Hindi po requirement iyon,” ani Abalos.
Maliban sa mga discount, sinabi ni Abalos na exempted sa pagbabayad ng buwis
ang mga senior citizens na minimum wage earners ayon sa RA 9504.
Sa mga pangangailangan ng kalusugan, pinaalalahan din ni Abalos ang mga
pamahalaang lokal na bigyan ang mga senior citizen ng libreng serbisyo sa
kalusugan at ngipin, at laboratories sa lahat ng mga pampublikong pasilidad
ayon na rin sa mga patakaran ng DOH at PhilHealth. Ang mga indigent o mahihirap
na senior citizen ay may libre ring bakuna laban sa trangkaso at pneumonia.
“Tutulong ang DILG at ang mga
pamahalaang lokal para masiguro na tuloy-tuloy ang mga mga benepisyo at
pribilehiyong ipinagkakaloob ng Government Service Insurance System, Social Security
System at Pag-IBIG sa mga nagtatrabaho pang mga senior citizen hanggang kaya pa
ng pondo ng gobyerno,” wika ni Abalos.
Sa mga senior citizen naman na nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, maaari
rin silang bigyan ng tulong edukasyon para sa mga kursong bokasyunal o
panandaliang kurso sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship, grant, tulong
pinansiyal, subsidy at iba pang mga insentibo tulad ng tulong pambili ng libro,
mga materyales sa pag-aaral, at uniporme basta pasado ang senior citizen sa mga
kinakailangan sa pagpasok.
Upang mapagaan ang kanilang pang-araw-araw na buhay, sinabi rin ni Abalos na
kailangang siguruhin ng mga pamahalaang lokal na magtalaga ng express lanes
para sa mga senior citizen sa mga pribado at pampublikong establisimyento, at
kung wala nito, bibigyan sila ng prayoridad sa serbisyo. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment