FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Tuesday, November 28, 2023

Duterte umeksena, nagbanta!

NAGBANTA SI dating Pangulong Rodrigo Duterte na mapipilitan itong tumakbo bilang bise president o senador sa oras na ituloy ng ilang mga mambabatas ang umuugong na balitang impeachment proceedings laban sa kanyang anak na si Bise Presidente Sara Duterte.

Ito’y matapos na lumutang ang balitang pinagpa-planuhan diumano ng mga mambabatas na sibakin sa puwesto si Sara dahil sa mga ibat-ibang kontrobersyal na isyu, partikular ang confidential at intelligence funds nito, at mga pahayag laban sa mga kumu-kontra sa kanya sa House, kabilang dito si Rep. France Castro at ang kanyang grupo na diumano’y mga komunista.

Tumiwalag na rin sa Unity Coalition ang mga kaalyado ni Duterte noong ito ay pangulo pa sa pangunguna ni Deputy Speaker Mannix Dalipe na loyal kay House Speaker Martin Romualdez. Ilang beses rin binira ni Duterte si Romualdez at ang integridad ng House.

Si Romualdez ay isinusulong ng mga mambabatas na tumakbo bilang pangulo sa 2028 at posibleng makalaban ni Sara na uma-ambisyon maging presidente tulad ng kanyang ama.

Nagmistulang “blackmail| naman ang naging pagbabanta ni Duterte na tatakbo ito kahit pa sa sobrang katandaan na at mahinang pangangatawan kung matutuloy ang impeachment process laban kay Sara.

“Alam ninyo ba kapag ginawa ninyo ‘yan, babalik ako sa pulitika…mapilitan ako, it’s either I run for senator or I will run for vice president maski matanda na ‘ko,” ani Duterte.

“Mapipilitan akong lumabas sa retirement eh. When I begin to talk…election is just around the corner, talagang magka-babuyan tayo. I do not lose anything, I’m retired. Pero pagdating niyan na buhay pa ‘ko, ‘pag wala pa akong dementia, tatakbo akong…vice president… Kung si Inday (Sara) ang presidente, okay lang,” dagdag pa nito.

Hindi naman mabatid kung suportado pa rin ng publiko si Duterte dahil sa ilalim ng termino nito nagkalubog-lubog sa utang ang bansa at pumalo ang mataas na presyo ng mga bilihin sa kanyang administrasyon.

Nahaharap rin ito sa maraming reklamo o akusasyon ng human rights violations, partikular sa madugong war on drugs nito. Nahaharap rin ito sa imbestigasyon ng International Criminal Court at kilalang pro-China.

Naunang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos na binabantayan nitong maigi ang mga balita ukol sa impeachment laban kay Sara.

“Binabantayan namin nang mabuti because we don’t want her to be impeached. We don’t want her to—she does not deserve to be impeached. So, we will make sure that this is something that we will pay very close attention to,” ani Marcos.

Ayon kay Sara, buo ang tiwala sa kanya ni Marcos. (Mindanao Examiner)

 



No comments:

Post a Comment