FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Sunday, May 12, 2024

BARMM ‘grand coalition’ suportado ng Bangsamoro

WALANG HUMPAY ang paglipat ng mga miyembro ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ng dating rebeldeng grupo na Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa “BARMM Grand Coalition” (BGC) dahil sa mga tunay na adhikain nito para sa Bangsamoro.

 


Ang BGC ay binubuo ng Salaam Party, Serbisyong Inklusibo Alyansang Progresibo (SIAP Party), Al-Ittihad-UKB Party, at ng Bangsamoro Peoples Party (BPP). Binuo ang naturang grupo upang isulong ang isang tapat, maayos at mapayapang halalan sa Bangsamoro region sa 2025. 

Nabatid na maraming mga lider o kilalang personalidad mula UBJP ang kumalas at lumipat sa BGC. Kamakailan lamang ay dinagsa ng tinatayang 16,000 katao ang general assembly ng BGC sa Marawi City na dinaluhan ng mga opisyal mula sa ibat-ibang lalawigan ng BARMM. 

Nalalagay ngayon sa alanganin ang UBJP dahil sa laki ng suporta ng publiko sa BGC at sa kakayahan nitong pangalagaan ang kapakanan ng mga Bangsamoro. 

Nagsama-sama rin ang mga lider ng BGC at iba pang mga kaalyado at nakipagkita kay House Speaker Martin Romualdez nitong buwan lamang, at ipakilala ang alyansa, ang mga adhikain nito at ang mga pagsisikap ng mga kasapi para masiguro na ang 2025 BARMM elections ay mananatiling maayos at mapayapa. 

Ang mga BARMM leaders na ito ay sina Sulu Rep. Samier Tan, Maguindanao del Sur Tong Paglas; ex-Sulu Rep. Munir Arbison; Lanao del Sur Gov. Bombit Adiong; Deputy Speaker Yasser Balindong; TESDA Sec. Teng Mangudadatu; Sulu Gov. Sakur Tan; Maguindanao del Sur Gov. Bai Mariam Mangudadatu; Kusug Tausug Rep. Shernee Tambut; Maguindanao del Norte Rep. Bai Dimple Mastura at si Lanao del Sur Cong. Zia Alonto Adiong. 

“The 2025 BARMM election is too sacred and historic to be disrupted or derailed by fraud, disorder or violence. Kaya nais naming idulog ito kay Speaker Romualdez at baka makatulong ang Kongreso sa pagsisiguro na walang panggugulo na mangyayari sa 2025 elections sa BARMM,” ani Basilan Rep. Mujiv Hataman, isa sa mga founder ng BPP at BGC. 

Ayon naman kay Gov. Tan ng Salaam Party, nagkita-kita ang grupo na binubuo ng mga national at local government executives para ipakilala ang alyansa kay Speaker Romualdez at sabihin kung gaano kahalaga ng halalan sa 2025 sa BARMM. 

“Napakahalaga po ng aming pakay kay Speaker Romualdez. It is to protect the sanctity of the exercise of the democratic rights of the people of BARMM to choose their leaders,” ani Tan. 

Sabi naman ni Gov. Mangudadatu ng Al-Ittihad-UKB Party, ang 2025 BARMM election ay makasaysayan dahil ito ang pagpapamalas ng karapatan ng mamamayan sa right to self-determination at self-governance. 

“We are not leaving anything that concerns the election in BARMM to chance. Hindi po pwede dito ang bahala na si Batman. Dapat pong masiguro natin na malinis at mapayapa ang 2025 elections at hindi ito mababahiran ng pandaraya at karahasan,” ani Gov. Mangudadatu. 

Para naman kay Gov. Adiong, gusto ng BGC na masiguro na walang karahasan o pandaraya na magaganap sa halalan sa susunod na taon dahil maapektuhan ang “will of the people.” 

“Kailangan pong manaig ang boses ng mga mamamayan, ang boses ng mga taga-Bangsamoro. No democracy is effective if the will of the people is thwarted,” sabi pa niya. 

Sabi naman ni Sec. Mangudadatu na sana ay maging produktibo ang pag-uusap nila ni Speaker Romualdez dahil naniniwala siyang may maitutulong ang Kongreso para masiguro na mapayapa at maayos ang BARMM elections. 

“Lahat po ay gagawin namin para masigurong ang tunay na boses ng mamamayan ng BARMM ang lalabas sa balota na hindi naimpluwensiyahan ng karahasan o anumang pangamba o takot,” dagdag niya. (Mindana0 Examiner)



No comments:

Post a Comment