FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Saturday, February 17, 2018

Hustisya, sigaw ng pamilya ng napaslang na OFW sa Kuwait

HUSTISYA ang hiling ng pamilya ni Joanna Demafelis, ang domestic helper na pinatay ng kanyang mga amo sa Kuwait at itinago ng mahigit sa isang taon sa freezer bago natagpuan ang bangkay nito.

Dumating nitong Sabado lamang ang bangkay ni Joanna sa lalawigan ng Ilo-Ilo mula Maynila na kung saan luhaang sinalubong ng kanyang pamilya at kamag-anak ang ataul. Unang dinala ito sa bayan ng Ajuy na kung saan ay tumigil noon nakaraang taon sa pagaaral sa Northern Iloilo Polytechnic State College doon ang kapatid na si Joyce, 20, sa kursong BS Criminology dahil napatid ang padalang salapi ni Joanna.

Karamihan sa mga sumalubong sa bangkay ay may suot na t-shirt na may katagang “Justice for Joanna Demafelis.” Humagulgol naman si Joyce sa pag-iyak ng makita ang kahon na may lamang ataul at isinisigaw na sana ay magising ang kapatid. Maging ang ina ni Joanna na si Eva at amang si Crisanto ay luhaan rin.

Ika-anim sa 9 na magkakapatid ang 29-anyos na si Joanna na napilitang magtrabaho sa Kuwait noon Mayo 2014 upang mai-ahon sa kahirapan ang kanyang pamilya at matustusan rin ang mga mahihirap nitong kaanak.

Naroon rin si Hans Leo Cacdac, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator, at naghatid ito ng tulong sa pamilya ni Joanna mula kay Pangulong Rodrigo Duterte. At sinigurado nito na hindi titigil ang pamahalaan upang makamit ang hustisya sa pagkakapatay kay Joanna. 

Hindi pa nadarakip ang mga amo ni Joanna na pinaniniwalaang pinahirapan bago pinaslang.

Sa bahay ng mga Demafelis sa bayan ng Sara inilagak ang mga labi ni Joanna at posibleng aabutin ng dalawang linggo ito bago ilibing upang makita ng mga kaibigan at mga kaanak sa huling sandali ang bangkay nito. (Cebu Examiner)

Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper


No comments:

Post a Comment