ZAMBOANGA CITY – Patay ang isang 44-anyos na negosyanteng Tsinoy matapos itong tadtarin ng bala sa katawan kaninang umaga sa Zamboanga City sa Mindanao.
Dumalaw lamang umano si Andrew Chan Wee sa kanyang magulang dito mula sa Cebu at pabalik na sana ito ngayon Sabado ng maganap ang krimen sa mismong gasolinahan ng pamilya sa Barangay Talon-Talon.
Dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang naghintay sa biktima, ayon sa mga empleyado. At ng dumating si Wee sakay ng kanilang van kasama ang ina ay agad itong niratrat ilang segundo matapos na lumabas sa sasakyan.
Mabilis naman tumakas ang mga salarin at dito na nakakuha ng pagkakataon ang mga empleyado sa gasolinahan na isugod sa pagamutan si Wee, ngunit patay na ito dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan. Nabatid na pati ang isa sa dalawang security guards ay pinagbabaril rin ng mga salarin, ngunit hindi naman tinamaan.
Sinabi naman ng mga kaibigan ni Wee na napakabait nito at nagsama-sama pa umano ang mga kaklase nito gabi ng Huwebes at masaya pang nagsalaysay ang biktima sa kanyang mga magulang ukol sa kanilang pagkikitang muli.
May-ari ng ilang mga gusali sa Zamboanga at Cebu ang pamilyang Wee na kabilang sa mga prominenteng pamilya dito.
Hindi pa mabatid ang motibo sa pagpatay, ngunit ang kapatid nitong lalaki ang siyang nagbabantay sa gasolinahan. Wala ito ng maganap ang krimen at dumalaw lamang si Wee doon. Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya sa sinapit ng biktima.
Talamak ang patayan sa Zamboanga City dahil na rin sa mga nagkalat na hired killers at kakulangan ng kampanya ng pulisya laban sa mga ito. Halos wala rin CCTV sa mga barangay at kulang o wala rin checkpoints sa ibat-ibang lugar dito sa kabila ng pinalawig na martial law sa Mindanao. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: https://www.mindanaoexaminer.com and https://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
No comments:
Post a Comment