FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Friday, October 1, 2021

ZAMCELCO meter reader, inireklamo!

Reading sa metro, dinaya!

ZAMBOANGA CITY – Nabuko ng isang electric consumer ang di-umano’y pandaraya ng meter reader ng ZAMCELCO matapos na matanggap ang mataas na billing.

Ayon sa reklamo ni Palimping Norida sa community billboard na ZAMCELCO Consumers’ Complaint Page sa Facebook, ay matagal na umano silang may hinala sa ginagawa ng meter reader dahil nasa mataas na bahagi ng poste ang kanilang metro, ngunit hindi man lamang ito inaakyat ng meter reader upang basahin ang konsumo ng kanilang kuryente.

Nagulat na lamang si Palimping - na naninirahan sa Kapok 1 sa Barangay Mampang – ng bigla na naman tumaas ang konsumo ng kanilang kuryente kahit pa na halos wala silang mga malalaking appliances.

Dito na nag-desisyon si Palimping na inspekyunin ang kanilang metro at ikumpara ang reading nito sa ginawang ng meter reader. At laking gulat nito ng makita ang konsumo dahil nasa 6111 lamang ang reading ng metro, ngunit ang billing ng ZAMCELCO base sa ibinigay ng meter reader ay nasa 6507. Maging ang previous reading nito ay mali rin at nasa 6387 gayun ang aktuwal na reading ng kilowatt hour ay 6111.



Nagpakita pa ng larawan si Palimping ng kanilang metro at ang billing ng ZAMCELCO o Zamboanga City Electric Cooperative.

Narito ang buod na reklamo ni Palimping: “Shout-out!! Sa nag-reading ng bill namin dito sa Mampang, Kapok 1. Ang lakas niyong makapandaya, hindi wasto yung pagre-reading ninyo, sa ibaba lang (ng poste) ang ni-reading ninyo ng tama, yung nasa itaas mina-magic ninyo nalng dahil tamad kayong umakyat (sa poste) upang tingnan ito ng maayos, paano naman kami, ganoon na lang?”

“Pina-pabayad ninyo kami ng sobra-sobra. FYI, hindi kami tanga, kung dati hinahayaan ka namin kung sino ka man, ngayon hindi na. Pinagtigaan na lang ng asawa ko (na) akyatin yung meter namin sa itaas ng poste upang malaman kung tama ba ang naka- indicate sa bill na ni-reading ninyo sa metro namin (at) doon namin nakita kung gaano kalaki ang diperensya, keber?  Nagbigay kayo ng resibo sa amin ng gawa-gawa ninyo lang, mabuti (sana kung) maliit yung nakalagay sa bill na ginawa ninyo. Eh ang laki ng idinagdag ninyo, ano kayo sinuswerte? Pabor naman, maawa naman kayo (at) hindi kami maperang tao. Pambili ng bigas nga nahihirapan kami tapos pababayarin ninyo pa kami ng sobra-sobra. Sana naman next time paki-ayos ang trabaho ninyo (at) sinasahuran kayo ng tama. Mag-trabaho kayo ng tama, piniktyuran na lang namin (ang metro at billing) para may ebidensya kami, nakakasakit kayo sa kalooban.”

Sinabi pa ni Palimping na wala silang kagamit-gamit sa bahay, ngunit sa bawat buwan na nakakatanggap ng billing mula sa ZAMCELCO ay halos walang pataas ng pataas ang singil sa kanila.

Sa mga litrato ng metro at billing ay ito ang isinulat ni Palimping: “Yan po ang kuha namin bago lang. Kayo na po ang bahalang humusga, iba ang (reading) sa metro (at) iba rin ang nasa resibo. Ibig lang sabihin niyan, lahat ng mga nabayaran namin (sa mga nakaraang buwan ay) sobra-sobra at kawawa naman kami, wala po kaming kagamit-gamit sa bahay, solo lang namin yung kuryente. Nakapagtataka lang na every reading lalong tumataas, yun pala gawa-gawa lang ng nag-reading. Buti pa ang iba, ang dami nalang gumagamit (sa kuryente at) maliit lang yung (kanilang) bill. Nakasasama lang ng loob, hindi porke’t nasa pinaka-dulo (ng poste) yung meter namin hindi na ninyo titignan ng maayos, puwede naman aakyatin (ang poste).”

Maging si Eman Oman, na isa rin electric consumer, ay nagsabi na ganyan rin ang ginawa sa kanya ng meter reader ng ZAMCELCO. “Ganyan din sa akin, tapos ang laki ng bayaran dahil kunu sa violation. Consumer ang magbabayad (even) if non-readable, blurred, (at)  breakable(ang metro). How dare you?”

Nitong Agosto lamang ay isa rin electric consumer, si Putli Mandy, ang nag-reklamo dahil sa di-umano’y paulit-ulit nitong pakiusap sa ZAMCELCO na tugunan ang kanyang problema sa kable ng kuryente na nasa loob ng kanilang compound. 

Ayon sa kanyang reklamo na idinulog rin sa ZAMCELCO Consumers’ Complaint Page ay maraming beses na itong nagtungo sa ZAMCELCO ngunit walang aksyon ang kooperatiba. 

Nabatid na mahigit sa 3 buwan na itong nagre-reklamo sa ZAMCELCO dahil nakaharang ang kable ng kuryente sa ibabaw ng kanilang ipinapagawang bahay sa Barangay Talon-Talon. Nakuryente na rin umano ang kanyang mga karpentero dahil sa problemang dulot ng kable sa kanilang ipinapagawang bahay. 

“Nagpapagawa po kami ng bahay sa Talon-Talon area, pero di po kami puwedeng mag-proceed sa roofing kasi nandoon po ang kuryente ng ZAMCELCO at wala pong proper na poste. It’s been 3 months already since nag request kami for the relocation (ng kable ng kuryente) and they gave us a letter saying that it’s for schedule, but until now wala pa rin,” saysay nito. 

“Three times na kami nagpunta doon (sa ZAMCELCO) at wala rin nangyari. One day maulan, habang gumagawa ang carpenter namin biglang nag spark ang kuryente na nasagid ng bakal na ginagamit sa paglagay ng semento ng poste ng bahay at na electric shock ang carpenter pero d naman masyadong malakas. Kung pwede, hingi ako ng tulong sa inyo kung ano ba ang puwede naming gawin para alisin nila ang kuryente sa loob ng property namin at lagyan nila ng proper poste. The neighbors told us na since last year pa daw sila nagre-request na palagyan ng poste meron naman doon ready na ang poste, pero di pa rin nila ginagawa,” dagdag pa nito. 

Nagtatanong na rin ang ginang na nag-reklamo kung anong legal action ang maaari nilang gawin laban sa ZAMCELCO kung sakaling may makuryenteng karpentero sa kanilang ginagawang bahay dahil sa nakahambalang na kable ng kuryente. 

“Ano bang legal action ang puwede kong gawin para kung sakaling may masamang mangyari sa carpenter (namin) na ZAMCELCO ang (may) liability kasi even through email, phone call, text and chat messages nagawa ko na at hanggang ngayon wala pa (rin aksyon. Naghihintay kami sa kanila para matapos na namin ang bahay at ang masaklap (eh) nangungupahan lang kami at di nmin magawa ang bahay dahil sa kuryente dahil natatakot ang mga carpenter maglagay ng roofing,” ani pa ng nag-reklamo. 

Hanggang ngayon ay wala pa rin aksyon ang ZAMCELCO sa nasabing reklamo.  Hinaing rin ng mga consumers ang talamak na voltage fluctuation at maraming mga appliances na ang nasira dahil dito. 

Kaliwa’t-kanan rin ang reklamo ng mga iba sa ZAMCELCO dahil sa palpak na serbisyo nito. Maging ang Service Department nito ay hindi rin maasahan at kadalasan ay walang sumasagot sa mga tawag sa telepono. Tadtad rin ng reklamo ang ZAMCELCO Consumers’ Complaint Page sa Facebook bagama’t isa lamang itong community page na ang layunin ay iparating sa kinauukulan ang mga problema at hinaing ng mga consumers. (Mindanao Examiner, Zamboanga Post)

  



No comments:

Post a Comment