NAIS NI Senador Risa Hontiveros na imbestigahan ng Senado ang mga umano’y “troll farm” at iba pang nagpapakalat ng fake news online.
Sinabi ni Hontiveros na tungkulin ng
Senado na protektahan ang integridad ng gobyerno.
“Susuportahan ko ang isang panukalang
batas na mananagot sa mga gumagawa ng fake news. Lalo na dahil nitong nakaraang
kalahating dekada, tila yung buwis na galing sa taong bayan ay ginamit para din
mag-finance ng ganitong klaseng operation,” ani ng senador.
Noong nakaraang Hulyo, kabilang si
Hontiveros sa mga senador na sumuporta sa Senate Resolution No. 768 ni Senator
Panfilo Lacson, na nananawagan para imbestigahan ang mga alegasyon na ang mga
pampublikong pondo ay ginagastos sa mga troll farm at pekeng social media
accounts.
Binigyang-diin ni Hontiveros na dapat
may regulatory mechanisms ang mga social media companies na sa ngayon ay bigo
sa pagpigil ng pagkalat ng fake news sa kanilang online platforms.
“May responsibilidad ang mga
kompanyang ito, at pati na rin tayong mga gumagamit sa websites o apps nila, na
tumulong sa pagpigil ng pagkalat ng fake news. Lalo na, tulad ng sinabi ni
Maria Ressa sa [speech n'ya sa] Oslo, 'yung stakeholders na kikita sa social
media business. They should be accountable,” sabi ni Hontiveros.
Si Hontiveros — ang chairperson of the
Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality — ay
nagbanggit ng ilang mga hakbang para panagutin ang mga social media companies.
Itong mga hakbang ay nakasaad na rin sa Senate Bill (SB) No. 2209 o ang
proposed Special Protections Against Online Sexual Abuse and Exploitation of
Children (OSAEC) Law at sa SB No. 2449 o ang Expanded Anti-Trafficking Act of 2021.
“Doon sa anti-OSAEC bill, yung mga
social media companies ay talagang dapat ring accountable — whether sa
[paggamit sa] online sexual abuse and exploitation o human trafficking. At doon
sa anti-trafficking law, ginawa rin naming accountable pati intermediaries,
banks and others, na nagiging daluyan nitong dark transactions ng OSAEC and
human trafficking at nagiging daluyan ng bayad para sa tao na parang gamit tayo
at hindi tao,” paliwanag pa ni Hontiveros at sinabing dapat ito rin ang gawin
para sa mga nagpapakalat ng fake news at mga trolls.
Si Hontiveros mismo ay naging target
ng fake news na kumukuwestiyon sa kanyang kredibilidad at kinutya sa kanyang
mga adbokasiya. Kaya umaasa si Hontiveros na ang susunod na administrasyon ay makakahanap
ng mga paraan upang buwagin ang mapang-uyam na operasyong ito dahil ito ay
isang pang-aabuso sa kamalayan ng mga mamamayan.
Ang paglaganap ng fake news ay isang
global phenomenon, na tinatawag ng United Nations (UN) na “infodemic.”
Kasalukuyang humihingi ng tulong ang UN sa mga negosyo, pati na rin ng media at
mga mamamahayag, upang labanan ang maling impormasyon — karamihan sa mga ito ay
nakatuon sa Covid-19. Sa ngayon, inaprubahan na ng UN ang ilang mga hakbang
laban sa fake news sa Africa, India, at Caribbean. Samantala, ang European
Union ay gumagawa din ng mga hakbang upang labanan ang fake.
“Kung kayang suportahan ng ibang mga bansa ang mga hakbang laban sa fake news, magagawa rin ito ng Pilipinas. Hindi natin maaaring payagan na hindi maparusahan ang mga gawaing ito. Gawin natin ang lahat para manaig ang katotohanan,” wika nito. (May karagdagang ulat ang Mindanao Examiner.)
No comments:
Post a Comment