CAGAYAN DE ORO CITY - Nagbabala ang environmental group BAN Toxics sa hindi sustenableng produksyon at pagkonsumo ng mga kagamitang elektrikal at elektroniko na nagdudulot ng peligro sa kalikasan.
Ayon sa BAN Toxics, kasama ang Pilipinas sa may pinakamalaking ambag na waste electric and electronic equipment (WEE) o e-waste sa Southeast Asia na tinatayang umabot sa 3.9 kilos bawat Pilipino noong 2019.
Ito ay nasa ulat rin ng Global E-waste Monitor ng United Nations at maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay nagsabi na nakapagtala ng 32,664 metric tons na e-waste ang bansa sa parehong taon. Lagpas sa 24 milyong yunit ng mobile phones ang ibinasura sa taong 2021 lamang, batay naman ito sa isang pag-aaral na lumabas sa Global Nest Journal.
Nagkakarga ng mapanganib na metal, kabilang ang lead, cadmium, mercury at hexavalent chromium, at flame retardants katulad ng polybrominated biphenyls at polybrominated diphenyl ethers ang e-waste. Saklaw ng RA 6969 o Toxic Substance and Hazardous Nuclear Waste Act of 1990 ang regulasyon sa mga ito. Nakasaad din sa DENR Administrative Order 2013-22 guidelines na obligadong magrehistro sa EMB ang mga generators, transporters, at mga pasilidad para sa treatment, storage, and disposal ng mapanganib na basura.
“Taun-taon, naglilikha at nagkokonsumo ang mundo ng bulto-bultong electric and electronic equipment na nagreresulta sa tone-toneladang basura o e-waste, kung saan maliit na bahagdan lamang ang narerecycle. Tulak ng industriyalisasyon, urbanisasyon at tumataas na kita, ang suliranin sa e-waste ay nagdudulot ng matinding panganib sa kalusugan ng tao at kalikasan, lalo na sa mamamayan ng mahihirap na bansa,” ani Jam Lorenzo, BAN Toxics Policy and Research Officer.
“Maliban sa nililikha sa loob ng bansa, isa pang pinagmumulan ng e-waste ay ang basurang nanggagaling sa ibang bansa, kahit pa mayroong pandaigdigang kasunduan na tinatawag na Basel Convention. Pinapakita ng datos at mga pag-aaral na malaking bahagi ng e-waste ay nagmumula sa mayayamang industriyalisadong bansa bilang export na used-EEE, second-hand at mga sarplas na kagamitang inaangkat naman patungo sa mga mahihirap na bansa. Itinatapon sa bansa ang mga basurang ito na naglalagay sa atin sa mapanganib na sitwasyon,” dagdag pa ni Lorenzo.
Hindi pa lumalagda ang Pilipinas sa Basel Ban Amendment na nagbabawal sa
iligal na pagpasok sa bansa ng imported hazardous waste.
“Pinaka-ulnerable ang mga basurero, kababaihan at bata, at mga komunidad sa paligid sa panganib ng e-waste dulot ng hindi ligtas at hindi wastong mga paraan sa pagbaklas, pag-aayos, pagkukumpuni, at pagbebenta ng mga gamit nang gaheto at elektroniko. Ilan sa mapanganib na mga pamamaraan ay ang pagsusunog ng PVC-coated na plastic, pagbaklas at pagtapon sa CRT glass na may lead, paggamit ng mga toksik na asido sa printed circuit boards, at pagputol at baklas ng plastik na naglalaman ng BFRs,” sabi pa ni Lorenzo.
Itinataguyod ng BAN Toxics ang sustenableng produksyon at pagkonsumo
upang mapigilan ang pag-abuso sa ating likas-yaman at limitahan ang
‘di-sustenableng mga paraan na nagtutulak sa hangganan at kapasidad ng mundo.
(Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment