FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Sunday, April 2, 2023

Utak sa Degamo slay binansagang ‘demonyo’

MANILA – Binansagan na “demonyo” ni Interior Secretary Benjamin Abalos ang utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at dapat aniya na sumuko na lamang ng mapayapa ang mastermind sa likod ng naturang krimen.

Sinabi ni Abalos na lahat ng ebidensya ay nakaturo sa mastermind, ngunit hindi naman nito pinangalanan ang utak sa pagpaslang kay Degamo, ngunit isa sa mga iniimbestigahan ng mga awtoridad ay si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves na ngayon ay nasa ibang bansa. 

“Alam ko na alam mo kung sino ka. Sumuko ka na. Lahat ng mga ebidensyang ito, nakita naman natin sa mga nakaraang araw. Habang tumatagal, ang dami na. Alam mo kung sino ka. Sumuko ka na. Sa ibang hindi pa sumusuko, iba ang utak ng tao na ‘to, baka kayo ang isunod nito. Iba ito, he is very, very devious and evil. Lahat ng kasamaan, nasa kanya na,” ani Abalos. 

Naunang itinanggi ni Teves na may kinalaman ito sa krimen na naganap noong Marso 4 matapos pasukin ng mga armado ang compound ni Degamo at niratrat ito. Patay rin ang ilang mga sibilyan sa naturang atake. 

Raid 

Kaliwa’t-kanan naman ang raid ng pulisya sa mga ari-arian ni Teves sa Negros Oriental sa bisa ng search warrant laban sa mga hinihinalang kasabwat sa pagpatay sa gobernador. 

Ayon kay Abalos, kamakailan lamang ay naglabas ng search warrant ang korte para sa isang nagngangalang Marvin Halaman Miranda, na sinasabing go-between o middleman sa pagitan ng mastermind at mga pumaslang; at kay Nigel Electona, ang Chief security ng HDJ Tolong, na isa sa tatlong indibidwal na naaresto ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Bayawan City sa Negros Oriental. 

Nabawi sa operasyon ang mga baril at granada, at mga litrato ni Degamo at ng kanyang pamilya, litrato ng kanilang tinitirhan at gate ng Degamo compound, house routes at isang sketch plan ng gusali na pinaniniwalaang ginamit ng mga kasabwat sa pagplano ng pagpaslang. 

Pinresenta rin ni Abalos sa isang press conference ang iba’t ibang matataas na kalibre ng baril, ammunition at explosives na nakumpiska sa operation na isinagawa sa isang compound na pag-aari diumano ni Pryde Henry Alipit Teves sa bayan ng Santa Catalina sa Negros Oriental sa bisa ng isang search warrant na inisyu ng Regional Trial Court ng Mandaue City. 

Ayon pa kay Abalos, nasabat din ng raiding team mula sa HDJ Bayawan Agri-Ventures Corporation sa Bayawan City ang dalawang digital vault na may lamang mahigit sa P18 milyon sa isang nakaparadang sasakyan sa loob ng compound. Dinakip rin ang tatlong lalaking manggagawa ng HDJ Tolong na nakitaan ng mga armas na walang kaakibat na lisensya. 

“​In light of these recent developments, the Special Task Force Degamo is very confident that we are nearing the end of unmasking the masterminds behind the shocking and gruesome murder of Gov. Degamo and others,” wika pa ni Abalos. 

Good job 

Pinasalamatan rin ni Abalos ang pulisy, militar at National Bureau of Investigation sa kanilang pagsisikap sa imbestigasyon upang maresolba ang kasuklam-suklam na pagpaslang kay Degamo at ilan sa kanyang mga nasasakupan. 

Kumpyansa rin si Abalos at ang Task Force Degamo na, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na suporta ng Negrense sa pagbibigay kaalaman sa mga awtoridad, malapit nang madala sa hustisya ang mastermind at iba pang mga kasabwat sa krimen. 

“We would like to thank the people of Negros Oriental for the outpouring of support by providing information that led to the discovery of these loose firearms and other instrument of violence,” sabi pa ni Abalos. 

Ex-military 

Matatandaang limang suspek sa pagpatay kay Degamo ang sumuko. Naunang sumuko ang limang iba pa. Ibinunyag din ni Abalos na sa 10 suspek na hawak na ng Task Force, siyam ay dating miyembro ng militar at may direktang partisipasyon sa pagpatay, habang ang isa naman ay isang ex-military trainee. 

“From this, makikita mo ang training ng mga taong ito. That’s quite interesting. Direct, talagang direct na andoon. Ang sinasabi naming direct participation, it means within the crime scene itself,” sabi pa ni Abalos. 

“These suspects have relevant testimonies that will help the Task Force build a strong case against the perpetrators, as well as the intermediaries and mastermind. The National Task Group Investigation and Legal under the Special Task Force Degamo is now in the process of completing the documentation of the initial statements taken by investigators from the suspects presently under custody,” ani Abalos. 

Matatandaan na ilang oras pagkatapos ng pagpaslang kay Degamo, tatlong suspek ang nadakip ng pulisya at militar sa isinagawang hot pursuit operations sa Bayawan City. Pagkatapos nito ay isa pang suspek ang nakorner at nakipagputukan sa mga awtoridad na nagresulta ng kanyang pagkamatay. Isa pang suspek ang sumunod na nasakote sa kanilang patuloy na operasyon. 

Ani Abalos, patuloy ang case build-up at imbestigasyon sa pangunguna ng National Bureau of Investigation (NBI) upang kuhanin ang kumpletong detalye ng pagpatay kay Degamo ngayong 10 suspek na ang nasa kustodiya ng pamahalaan. “They are still undergoing tactical investigation under NBI.” 

Hinikayat naman ni Abalos ang mga natitira pang suspek na sumusuko sapagkat patuloy ang pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan upang sila ay madakip. “Para sa mga natitira pang suspect, paulit-ulit naming sinasabi — sumuko na kayo. Marami na ang mga sumuko, mag-isip isip na rin kayo. Sisiguraduhin namin ang inyong kaligtasan, pati na ng inyong pamilya. Asahan n’yo rin na rerespetuhin ng gobyerno ang inyong mga karapatan at bibigyan kayo ng patas na paglilitis na naaayon sa ating batas,” wika ni Abalos. (Mindanao Examiner)



No comments:

Post a Comment