FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Saturday, August 22, 2020

Babuyan sa North Cotabato, bagsak!

KIDAPAWAN CITY – Umaabot na sa mahigit sa P6 milyung ang lugi sa hog industry sa probinsiya ng North Cotabato dahil sa African Swine Fever o ASF, ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Rufino Sorupia.


Sinabi pa ni Sorupia na apektado na rin ng ASF ang Kidapawan City at sa pinakahuling datus ng Department of Agriculture, sinabi ni Regional Director Arlan Mangelen na mahigit sa 1,000 mga baboy na ang kanilang pinatay mula sa apat na mga lugar sa North Cotabato na kinabibilangan ng Magpet, Arakan, President Roxas at ang pinakahuli ay ang lungsod ng Kidapawan.

Agad namang ipatutupad ang “1-7-10 protocols” o pagsasailalim sa culling activity sa mga baboy na malapit sa ASF infected area na sinasabing mula sa mga lugar na may kumpirmadong kaso at posibleng ang pagbili ng chorizo.

Sa ilalim ng 1-7-10 protocol, ipagbabawal ang pagpasok o paglabas ng mga baboy sa loob ng 1-kilometer radius mula sa lugar na may ASF o ground zero. At sa 7-kilometer radius, lahat ng mga baboy ay isasailalim sa surveillance at restricted ang galawan ng mga ito.

Kukunan rin ng mga blood samples ang lahat ng mga baboy at sa 10-kilometer radius naman mula sa ground zero, mandatory na ang monitoring at reporting ng mga sakit sa baboy.

Kung kaya’t panawagan naman ni Mangelen na makipagtulungan ang publiko upang hindi na lumawak pa ang epekto nito.

Sinabi sa Mindanao Examiner ni Mangelen na mas lalo pa nilang hinigpitan ang inspeksyon sa ibat-ibang bayan upang maiwasan at masigurong hindi kakalat ang ASF.

Ayon naman kay Sorupia, patuloy din ang kanilang pagkuha ng blood sample sa mga ibat-ibang barangay at kalapit na lugar mula sa ASF-infected areas at isinasailalim sa test upang malaman kung naapektuhan din ng virus ang kanilang mga baboy.

Mas lumawak din ani Sorupia ang mga lugar na apektado ng ASF virus dahil sa huli na nang malaman at dumating ang resulta ng kinuhang mga blood sample. Sa ngayon, pinoproseso na ng Department of Agriculture Regional Office ang P5,000 cash assistance sa mga apektadong magbababoy sa bayan ng Magpet.

Ipinagbabawal na rin ng Zamboanga City ang pasok ng mga karne ng baboy at mga produktong gawa sa nasabing karne sa takot na makapasok doon ang ASF.

Sa utos ni Mayor Beng Climaco, hindi na pinapayagan ang anumang karne ng baboy mula sa Luzon at ilang lugar sa Mindanao – ang Panabo City, Talaingod at Santo Tomas sa Davao del Norte, at lahat ng munisipyo sa Davao del Sur maliban sa bayan ng Hagonoy; at bawal rin ang mga galing sa bayan ng Jose Abad Santos, Don Marcelino, Malita at Santa Maria sa Davao Occidental.

At maging mga karne ng baboy mula sa Kidapawan City, at sa mga bayan ng Magpet, Makilala, Matalam, M’lang, President Roxas, Tulunan, Antipas, Arakan dito sa North Cotabato; at bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat, at bayan ng  Alabel, Glan, Malapatan at Malungun sa Sarangani.

Ang ASF virus ay naisasalin sa mga baboy mula sa mga hayup na may infection at sa kanilang mga dumi. Puwede rin itong kumalat sa damit, animal feeds, sasakyan at iba pa na maaaring kapitan ng virus at lubha itong nakamamatay sa hanay ng mga baboy lamang. (Rhoderick BeƱez)


Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates



No comments:

Post a Comment