FB MINEX FB MINEX FB MINEX Twitter Minex ISSUU Minex Press Reader Minex YouTube Minex

Sunday, September 13, 2020

DILG, Zambo mayor nagsampa ng kasong libel

PORMAL NANG nagsampa ng reklamo si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año laban sa pinagmulan umano ng fake news sa social media na kung saan ay pinayuhan umano niya ang mga mag-asawa na mag-physical distancing matapos magtalik.

Ito ay kinumpirma ng tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya matapos ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) na kinilala ang nagpakalat ng viral post bilang si Gabriel Marvin Cabier, 26, residente ng Cebu City.

“Opisyal na pong nakapagsampa ng kaso si DILG Secretary Año sa nagpakalat ng malisyoso at maling impormasyon na sinabi niya diumano na mag-physical distancing ang mga couple matapos mag-sex. Ang pagsasampa natin ng kaso ay isang paalala na maging responsable po tayo sa ating ipinopost sa social media. Gamitin po natin ito para sa kabutihan lalo na at tayo ay nahaharap sa isang matinding krisis,” ani Malaya.

“Ang ating freedom of expression ay hindi ganap lalo na kung nababaluktot ang mga totoong nangyari o sinabi. Ang kalayaang ito ay hindi maaaring gamitin upang magpakalat ng fake news o disinformation,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Malaya na ang mga kasong isinampa laban kay Cabier ay paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances), kaugnay ng Section 6 ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 at Article 142 RPC na inamiyendahan ng Presidential Decree 1974 kaugnay sa RA 10175.

Ang mga kaso ay isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office kamakailan matapos pasimunuan ni Cabier ang pagpo-post ng Facebook page na “One Ride One Shot” na nagtaglay ng nasabing fake news at umani ng 11,000 shares, 3,600 reactions at 1,900 comments noong 1:20 p.m. ng Agosto 11, 2020. Kinumpirma ng PNP-CIDG na ang administrator ng nasabing page ay si Cabier, sabi ni Malaya.

“Tinuloy namin ang pagsasampa ng kaso bilang babala sa mga nagbabalak gumawa ng fake news na mag-isip muna bago gumaya sa nasasakdal. Kakasuhan namin sila gamit ang buong puwersa ng batas. Mali po ito at hindi po natin ito dapat kunsintihin,” ayon kay Malaya.

Hinihintay pa ng DILG ang paglalabas ng subpoena ng Investigating Prosecutor. Samantala, ang kontrobersyal na post ay inalis na ng administrator ng Facebook page.

Kumalat ang Bisayang post ni Cabier at nagdulot ng sama ng loob sa mga opisyal ng pamahalaan lalo na si Año, na sinabing pinagmulan nito.

Nilagyan pa ng larawan ni Año ang post na nagsaad na “Yowooo na! Wala na jud ko kasabot aning kalakihan ani man jud ni padong ba...Feel nako ang neurons anis utok nag-social distancing na pud ba hays. #photoolmine. #memes” na ang ibig sabihin ay “Matapos magtalik dapat may physical distancing na din sila. Para sure na walang Covid ang bawat isa."

“Sa panahong ito ng public health emergency, nakalulungkot na may mga taong nag-aaksaya ng kanilang oras at pagod sa pagkakalat ng fake news at paglilikha ng disinformation upang siraan ang mga tao katulad ni Secretary Año na isang Covid-19 survivor, subali’t walang pagod na nagsisikap na sugpuin ang Covid-19 bilang Vice Chairman ng NTF (National Task Force Against) Covid-19,” ani Malaya.

“Hinihimok namin ang mga taong ito na gamitin ang kanilang galing sa pagtulong sa pamahalaan sa pamamagitan ng pamamahagi ng tamang impormasyon at pagtulong sa mga nangangailangan,” dagdag pa ng opisyal. 

Sa Zamboanga City, kinasuhan rin ng libel ni Mayor Beng Climaco ang dalawang radio announcer / television broadcasters na sina Rey Bayogin at Gil Climaco ng EMedia dahil umano sa mga inilabas nitong paratang laban sa opisyal. Pitong counts ng libel ang kinakaharap nina Bayogin at Climaco na handa naman umanong sagutin ang kanilang mga kaso. (May karagdagang ulat ang Mindanao Examiner.)


Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates




No comments:

Post a Comment